Magulang arestuhin, ‘di mga bata sa paglabag sa quarantine protocol – PDU30

Magulang arestuhin, ‘di mga bata sa paglabag sa quarantine protocol – PDU30

June 1, 2021 @ 1:15 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinadadampot ni Pangulong Duterte ang mga magulang ng mga batang makikita sa mga pagtitipon tulad ng pool parties sa pinaigting na aksyon ng gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

“Now ngayon, hindi mo mahuli lahat ‘yan. Alam mo kasi nakita mo sa swimming pool may mga bata. Ang bata hindi mo talaga maaresto. You have to — we’ll just have to pick them up from the swimming pool and send them home,” ani Duterte sa televised address nitong Lunes.

“Ngayon ang mga nanay pati tatay, ‘yon ang puwede but a child under nine cannot be arrested or whatever. They cannot commit a crime kasi ang batas presumes that they have no sufficient discretion to commit a wrong in the eyes of the law,” dagdag ng Pangulo.

Pinaaresto rin nito ang mga may-ari ng resort na lalabag sa quarantine regulations.

Babala pa ni Duterte na mananagot ang mga barangay chairman kung hahayaan ang mga mass gathering sa nasasakupan.

“Ngayon, ‘pag nagpalpak ‘yan hindi mo nakontrol and there is — or there are celebrations everywhere and constituting a violation of the law, social distancing kagaya noong sa swimming pool, you arrest,” aniya.

“The barangay captain should arrest the owner of the resort allowing people in numbers to be together in the swimming pool and enjoying — well, they are enjoying but at the same time violating the law,” saad pa ng Pangulo.

Nitong nakaraang linggo naglabas ng direktiba si Duterte upang arestuhin ng mga pulis ang mga tserman ng mga barangay na magdaraos ng mass gatherings.

Hindi saklaw ng restriksyon ang government services, humanitarian missions, at religious activities na maaaring magdaos sa limitadong kapasidad. RNT/ELM