Magulang kinatay, kapatid grabe!

Magulang kinatay, kapatid grabe!

July 15, 2022 @ 3:22 PM 3 weeks ago


KAYAPA, NUEVA VIZCAYA- Bagama’t wala umano sa katinuan o sinto-sinto ang isang lalaki ay tuluyan itong sinampahan ng kasong parricide at frustrated parricide matapos pagsaksakin ang kanyang mga magulang at isang kapatid sa Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Iryb Baltazar, 28-anyos, habang ang mga napatay na magulang ay sina Ruben Baltazar, 68-anyos at Nora Baltazar, 65-anyos, pawang residente ng Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya.

Ang mag-asawang Baltazar ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Habang ang anak nilang si Shayra Baltazar, 26-anyos ay nagtamo ng sugat sa kanyang balikat at noo ngunit nakatakas at nakahingi ng tulong sa kanyang tiyahin na kanilang kapitbahay.

Ang isa pang anak na 27-anyos ay nakapagtago sa kanilang kuwarto ngunit nakakaranas ng trauma matapos makita ang nangyari sa mga magulang.

Lumabas sa imbestigasyon ng Kayapa Police Station na sinamahan ng mag-asawang Baltazar ang kanilang anak na matulog sa sala ng kanilang bahay dahil nakitaan siya ng pagkabalisa at hindi makatulog ngunit dakong alas-3 ng madaling araw ay nagwala ang suspek at pinagsasaksak ang kanyang mga magulang.

Lumalabas na nakakaranas ang suspek ng kapansanan sa pag-iisip matapos na mabagok ang ulo sa isang aksidente ilang buwan na ang nakalipas.

Napag-alaman, isinailalim noon sa psyciatric test at lumabas na nagkaroon ng diperensiya sa pag-iisip ang suspek at posibleng hindi regular na nakakainom ng gamot kaya lumala ang kanyang sakit sa pag-iisip.

Sa pagtugon ng pulisya hinggil sa pagwawala at pananaksak ni Iryb Baltazar ay kusang sumuko sa mga alagad ng batas.

Nang tanungin umano ng mga pulis ang suspek ay hindi niya alam ang pangyayari at hindi naman nanlaban nang dakpin siya ng mga rumospondeng kapulisan. Rey Velasco