Magulang ng mga naturukan ng Dengvaxia, nagprotesta sa DOJ

Magulang ng mga naturukan ng Dengvaxia, nagprotesta sa DOJ

Mga kaanak ng mga biktima ng dengvaxia dumagsa sa Quezon City Hall dahil sa hindi pagdalo ni Garin.
November 28, 2022 @ 4:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta ang mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia sa harap ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ) upang hilingin na alisin sa puwesto si Undersecretary Jesse Andres.

Ayon sa mga nagprotesta, si Andres ay tagasunod ni dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Representative Janet Garin na siyang nakaupo noon sa DOH nang maganap ang kontrobersya sa Dengvaxia.

Hiniling din ng grupo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na bigyan sila ng patas na pagdinig sa inihain nilang reklamo laban sa mga dating opisyal ng pamahalaan.

Matatandaan na nagsampa naman sa Korte si Public Attorney’s Office chief Percida Acosta para ilipat ang prosekusyon ng Dengvaxia cases sa kanila.

Sinabi ni Acosta na may “conflict of interest” umano ang national prosecution service dahil sa dating abogado ni Garin si Andres.

Si Garin ay co-accused sa kasong reckless imprudence resulting in homicide na isinampa sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 133, kaugnay ng kontrobersya sa Dengvaxia vaccines.

Sinabi naman ng DOJ na hindi patas ang akusasyon ni Acosta.

Nag-inhibit umano si Andres sa paghawak ng naturang kaso nang umupo siya bilang Undersecretary ng ahensya.

Sinabi rin ng Justice Department na labag sa batas ang nais ni Acosta at hindi ito saklaw ng mandato ng PAO. Jocelyn Tabangcura-Domenden