Magulong halalan, insulto sa lahat ng Pinoy – PDu30

Magulong halalan, insulto sa lahat ng Pinoy – PDu30

April 22, 2022 @ 7:41 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga political candidates na makiisa na panatilihin ang “malinis at tapat” na halalan sa Mayo 9.

Ang kabiguan na gawin ito ay isa aniyang “insulto” sa lahat ng mamamayang Pilipino.

“Kaya ang sinabi ko sa lahat ng politiko, give us a clean and honest elections…Insulto sa atin ‘yan, sa inyo,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang naging talumpati sa 43rd Commencement Exercises ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Alab-Kalis” Class of 2022 sa Silang, Cavite.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na isang malaking karangalan para sa kanya na i-turn over ang kanyang kapangyarihan lalo pa’t batid niya na ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para paglingkuran ang sambayanang Filipino.

Nakatakdang magdaos ang Pilipinas ng national at local elections sa Mayo 9, kauna-unahang national elections sa bansa sa panahon ng Covid-19 pandemic.

Muli ay sinabi ng Pangulo na igigiit niya ang “Alunan doctrine”, na naglilimita sa bilang mga armed guards ng mga politiko sa bansa upang maiwasan ang political violence.

Ang Alunan doctrine ay ipinakilala ni dating Interior Secretary Rafael Alunan III, na nagsilbi sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Fidel Ramos mula 1992 hanggang 1998.

“Yung mga politiko, ang dapat lang sa kanila according to the Alunan doctrine na more than two armed is already a private army,” dagdag na pahayag nito.

Pinayuhan din niya ang mga PNPA cadets na maaaring maitalaga bilang bodyguards ng mga kandidato na tiyaking mahigpit na susundin ang Alunan doctrine.

“If you happen to be assigned as a security, sabihin mo lang doon sa amo mo, ‘Sir, ito ang limitasyon …I cannot be a part of the politics here and I am only duty-bound what is the mandate of the law’,” aniya pa rin.

Nauna rito, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga kandidato na mayroong mahigit sa dalawang bodyguards na aarestuhin at ipagsasakdal ng pamahalaan. Kris Jose