Mahabang pila sa LTO sites dahil sa palpak na IT platform

Mahabang pila sa LTO sites dahil sa palpak na IT platform

September 3, 2022 @ 1:31 PM 4 weeks ago


Manila, Philippines-Mahabang pila ang sumalubong sa mga motorista sa ilang tanggapan ng Land Transportation Office sa Metro Manila sa pagpasok ng “BER” months dahil umano sa nagkaaberyang information technology platform na Land Transportation Management System.

Nagtiis sa mahabang pila ang mga motoristang nagre-renew ng rehistro ng kanilang sasakyan sa tanggapan ng LTO sa Makati District Office nito. Ang ilan sa kanila, ilang oras na ang hinintay ngunit hindi pa rin nakausad sa pila.

Ayon sa isang nagpaparehistro ng sasakyan na si Caloy San Juan na mula pa sa Taguig City, nung nakaraang Miyerkules pa umano siya pabalik balik sa LTO Makati at pagdating kahapon ay offline pa rin ang system ng LTO.

Ganito rin ang reklamo ni Bing Rebulan ng Makati City na inutusan lang ng kanyang amo para sa registration ng sasakyan na kamakalawa pa rin naghihintay at pabalik balik sa LTO Makati, pero nang madatnan ay dismayado sa bagal ng sistema.

Ayon sa ilang source, tatlong araw nang offline at nagkaka-aberya ang LTMS na siyang dahilan ng pagkakaantala ng proseso sa naturang tanggapan. Dahil dito, nagkapatong-patong ang backlog at naging mabagal ang proseso.

Kinumpirma ito mismo ni Marinette Abarico, hepe ng LTO-Makati District Office. Naranasan din ang sitwasyong ito sa iba pang tanggapan ng LTO partikular na sa Novaliches, Diliman, Las Piñas, at Marikina District Offices.

Sinabi naman ni LTO Makati District Office chief Marinette Abarico, nananatili pa ring offline ang kanilang system.

“Pinaka worst itong nangyayari sa amin na offline, dati hindi ganito katagal,” saad ni Abarico kaugnay ng kapalpakan ng LTMS.

Nauna nang in-extend ni LTO chief Asec. Teofilo Guadiz ang validity ng rehistro ng mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa “7” dahil sa holiday noong August 29 at sa ilang technical issue. Hindi ito ang unang beses na in-extend ng LTO ang rehistro ng mga sasakyan.

Matatandaang noong isang buwan ay nagbigay din ng palugit ang ahensiya dahil sa madalas na pagkakaantala ng LTMS.

Ang LTMS ay ginawa ng banyagang IT contractor na Dermalog na makailang beses nang sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa pagkakaantala ng proyekto at mga isyung teknikal na nakakaapekto sa operasyon ng LTO.

Maging si Sen. Koko Pimentel ay nagpahayag na paimbestigahan na ang naturang dayuhang kontraktor sa Senate blue ribbon committee dahil sa mga undue payment umano ng LTO dito sa kabila ng mga hindi katanggap tanggap na deliverables.

Ginagawa naman ng pamunuan ng LTO ang lahat upang masigurong mabawasan ang mga aberya at mapabuti ang kanilang serbisyo. RNT