DAGDAG-PENSYON SA SENIOR CITIZENS AT LABAN SA DENGUE

August 5, 2022 @4:42 PM
Views:
116
NAGING ganap nang batas ang panukalang magdaragdag ng P500 sa kasalukuyang P500 na tinatanggap na ayuda ng mahihirap na senior citizen.
Sinabi ni Executive Secretary Vic Rodriguez na naging batas ang Republic Act No. 11916 nitong Hulyo 30 at ito ang nagbigay-dagdag ng halagang P500 sa P500 ayuda na itinatadhana ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Ayon sa mga batas na dalawa, dapat na buo na matatanggap ng mga senior citizen ang halagang P1,000 at hindi pupwedeng bawasan ng mga nagpapatupad nito na tao o ahensya ng pamahalaan o ng mga pagdaraanang remittance agency.
Maliit mang tingnan ang nasabing halaga sa ating mga lolo at lolang mahihirap na tinatayang nasa 2.8 milyong katao, aba, katumbas na rin ito ng kalahating kabang bigas o kaya’y pambili ng mahigit isang buwang may maintenance sa high blood na nagkakahalaga ng nasa P25 kada kapsula.
IBA PANG MGA PAKINABANG
Kung tutuusin, may dagdag pang pakinabang mula sa halagang P1,000.
Halimbawa, kapag bumili sina lolo at lola ng gamot na halagang P1,000, aba, may matitira pang P200 mula naman sa 20 porsyentong diskwento.
May pambili pa ng 4 kilong bigas na nasa P40 kada kilo at may pamasahe na rn sa dyip na pang-round trip.
Eh paano kung isama ang magandang pakinabang mula sa Malasakit Center na nasa likod ang pagsasabatas dito ni Senador Bong Go?
Makaraang mapatunayan silang mahihirap, aba, zero bill sila sa mga ospital!
Napakalalaki ang gastos sa ospital ng mga senior citizen dahil karamihan sa mga ito ang atake sa puso, sakit sa bato o baga, high blood at iba pa.
Noong wala pa ang Malasakit Center, ayaw magpaospital ang mahihirap dahil wala na nga silang pambili ng bigas o gamot, napakamahal pa ang pagpapaospital.
Para sa mga senior citizen, sinasabi nila, hintayin na lang nila ang paghuhukom sa kanila ng Panginoon dahil ang pagpapaospital ay lalong magpapahirap sa kanila at nadadamay pa ang mga anak at apo nila sa hirap.
Ngayon, dahil sa Malasakit Center, malakas na ang loob ng mga ito na magpaospital.
Eh kung isasama pa ang ayuda mula mismo sa mga lokal na pamahalaan nina Kapitan, Meyor, Gobernadoe, Kongresman at iba pa at iba pang mga opisyal ng bayan?
Hindi naman basta makatanggi ang mga non-government at civic organization sa kalabit at daing ng ating mga lolo at lola.
MAG-INGAT SA DENGUE
May mga nagsasabi nang ituring nang epidemya ang dengue ngayon, lalo na mahigit 80,000 na ang naiuulat na tinatamaan nito.
Sa katunayan, marami nang ospital ang punuan at may mga doble-tao na sa isang kama.
Bukod sa kawalan pa ng tiyak na bakuna at napakamahal na pagpapaospital, lalo na sa mga pribadong ospital, nakamamatay rin ito.
Sa ganitong mga kalagayan, dapat magtulong-tulong ang lahat, maging sa paglilinis sa kapaligiran upang mawalan ang mga lamok na may dengue ng pangingitlugan at pagpapalakihan ng kanilang mga anak o kiti-kiti.
Magsuot din ng mga damit na hindi basta mapasukan ng mga lamok sa pagdapo at pagkagat ng mga ito at pagtutunan ang paggamit ng tawa-tawa.
O mag-ingat po tayo lahat sa dengue.
NAKALULULANG PODER

August 5, 2022 @4:39 PM
Views:
165
HINDI lang salamin ng isang tunay na lider ang nararamdaman at nakikita ng sambayanan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa halip ay taglay rin nito ang pagiging makatao kaugnay sa pagsisilbi sa mamamayan.
Batid ng taumbayan na ito na ang totoong gobyernong matagal nang inaasam-asam ng nakararaming hindi tinitingnan at tinititigan kung tagasuporta o kalaban noong nakaraang eleksyon ang gagawaran ng tunay na serbisyo.
Pinanindigan ni Pangulong Bongbong na hindi lang siya ang lider ng 31 milyong Pinoy na bumoto sa kanya bagkus ay itinuring ang sarili bilang “ama ng buong bansa” lalo na ang higit sa nakararaming kababayang naghihikahos sa buhay.
Bukambibig ng Pangulo ang madalas na ibinababang kautusan sa bawat sangay ng gobyernong marapat ay gamitin nila ang kapangyarihan para iangat ang antas ng pamumuhay ng maralitang mamamayan.
Hindi tulad ng ilang opisyal sa lokal na pamahalaang matapos manalo noong nakaraang eleksyon ay kaliwa’t kanang pananakot na ang ginagawa sa mga tagasuporta ng kanilang kalaban na kesyo tatanggalin sa posisyon at kakasuhan sakaling hindi kusang umalis sa puwesto ang mga ito.
At mas lalo pang lumala ang power trip ng mga kumag makaraang bitbit na nito ang inaakalang habambuhay na kapangyarihang ginawang mistulang aso ang mga kawawang empleyadong naging sunud-sunuran na lang sa kapritso nilang kulang na lang ipagtabuyan lalo na ang ilang hepe ng bawat opisina rito.
Ipalagay pa na naging kalakaran na ang walisin ang mga kaswal na kawani ng natalong opisyal subalit makatuwiran at makatao pa ba na maging ang mga empleyadong hawak ang permanenteng posisyong batay sa batas ay may security of tenure ay hindi pinatawad sa pambabalya ng ilang abusadong opisyal?
Mahirap talaga isaksak sa kukote ng mga animal na ito na ang ipinagkatiwalang poder ng taumbayan ay ginagamit upang isulong ang wastong paninilbihan at hindi ang yurakan ang pagkatao ng mamamayan.
Batid ng sambayanan na limitado ang kontrol ng nasyunal sa lokal na pamahalaan hinggil sa isyung ito ngunit sana ay silipin ni PBBM ang pang-aabuso ng ilang opisyal sa ibaba upang matuldukan na ang kanilang pambabalahura sa mga kawawang kawaning nagtatrabaho lang para pantawid gutom ng kanilang mga pamilya.
Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]
ETIKAL NA PROSESO

August 5, 2022 @4:34 PM
Views:
68
ANG ekonomiya sa buong mundo ay umiikot sa mga negosyo na upang maging matatag at maunlad ay kailangan din ang utang.
Sabi ng mga matatagumpay na negosyante, dumaan sila sa panghihiram ng tulong na puhunan at hindi lang sa tao sila nangutang subalit maging sa mga bangko.
Ang imprastraktura lalo na sa transportasyon sa ating bansa ay naitayo dahil sa utang sa malalaking financial institution sa loob at labas ng bansa.
Samakatuwid, hindi “big deal” ang may utang. Kaya lang bakit ang isang sikat na bangko sa bansa ay ginagawang malaking usapin ang isyu ng utang ng isang kliyente nito at nagawang ipangalandakan na hindi makabayad?
Ganito na ba ang kalakaran sa banking industry sa Pilipinas? Hindi ba’t may proseso at sinusunod na business ethics sa pangungutang at pagpapautang?
Hindi kailangang ipangalandakan sa social media at ipakalat sa publiko ang utang ng isang kumpanya. Hindi rin ‘fit’ ang slogan ng bangkong ito sa kanilang ginagawa sa kanilang kliyente.
Batid naman sa global financial community na dumaan ang halos lahat ng bansa sa paghihikahos at problemang pinansyal dulot ng pandemya kaya halos lahat ng negosyo ay nagkaproblema sa nakalipas na dalawang taon kaya’t nagkaroon din ng problema sa usapin ng utang.
Subalit ang ibang institusyon ay nakakaunawa at binibigyan ng pagkakataon ang mga may utang sa kanila bagaman may ibang usapan sa interest at penalty.
Pero ang bangkong ito na ipinagkakalat na hindi makabayad ang kanilang kliyente ay dapat na imbestigahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Bago nakautang ang kanilang kliyente ay dumaan sa tamang proseso kaya dapat sa paniningil ay idaan din sa tamang proseso.
Samakatuwid, kung pagbabatayan ang mga patakarang etikal na sinusunod ng lahat ng financial institution sa buong mundo, maging sa ating bansa, bukod tanging itong bangkong naturingang maparaan ang tila hindi sumunod.
Klarong-klaro na nilabag nito ang patakarang nagbibigay proteksyon sa confidentiality ng pribadong transaksyon at inilagay nito sa alanganin ang pagkakakilanlan ng kliyente.
Kung ikaw ay kliyente ng ganitong klaseng bangko, nabigyan ng pagkakataon na makapangutang at dumating ang araw na nagkaproblema ka sa pinansyal na aspeto, anong mangyayari? O, di broadcast nila sa lahat ng sulok ng social media!
Anomang puna oreklamo i-text sa 0918924764,09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]
SIGURADUHING MAAYOS ANG PAG-IMBAK AT PAGTAKIP NG TUBIG

August 5, 2022 @4:30 PM
Views:
74
Noong nakaraang buwan ng Hulyo, ang projection ng Climate and Rainfall forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, baka abutin ang 180 meters operating level sa katapusan ng July kung patuloy na bababa ang lebel, kaya sana raw ay may sapat na pag-ulan ngayong La Niña.
Mayroong pag-ulan nitong nakaraang araw, ngunit hindi sapat ang tubig ulan sa area ng Bulacan, kaya bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Base sa dam elevation level kahapon, ika-4 ng Agosto 2022, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 177.26 meters, mas mababa ng 2.74 meters, kung ikukumpara sa minimum operating level na 180 meters. Mas lalong bumaba sa normal high-water level (NHWL) na 210 meters, kakayanin kaya maabot ang end of the year target na 212 meters? Matatandaan na noong December 2021 ay nasa 202 meters lamang ang pinakamataas na lebel ng tubig sa Angat Dam.
Samantala, ang Angat Technical Working Group ay isang Inter-Agency na nangangasiwa sa operasyon at alokasyon ng tubig. Kasabay nito ay ang mga hakbanging mitigation kasama ang ilang agencies gaya ng PAGASA at NAPOCOR o National Power Corporation, lalo na’t napakahalaga ng tubig para sa food security, agriculture, at ngayong panahon ng pandemya. Dagdag pa, isa sa long term solution aniya ay ang imprastraktura gaya ng reservoir para sa pag-iimbak at ang water security road map.
Sa kasalukuyan, mababa ang kalidad ng tubig sa Laguna Lake dahil sa algae. Dapat din daw ay ma-manage nang maayos ang mga fishing pens at huwag ilampas sa kapasidad ng lawa.
Sa ngayon, ang mga rain water harvesting facility and method ay hindi pa gaanong ginagamit, kaya naman sana ay mapalawak pa, aniya. Paalala naman ni Executive Director Sevillo David Jr., ng National Water Resources Board (NWRB) na siguraduhing maayos ang pag-imbak at pagtakip ng tubig sapagkat uso na naman ang Dengue.
SINO ANG NASA LIKOD NG ‘HATCHET JOB’ VS ES RODRIGUEZ?

August 5, 2022 @8:21 AM
Views:
77