MAHAL KA NAMIN

MAHAL KA NAMIN

February 20, 2023 @ 1:47 PM 1 month ago


LUMIPAS na ang Valentine’s Day at sigurado ako na marami ang masayang magsing-irog na nag-romantic date noong okasyon na iyon.

Pero base sa mga nabasa ko sa social media, marami rin ang “single-but-happy” o kaya naman ay buong giliw na naghinitay pa rin para sa kanilang “espesyal na kabiyak” para dumating.

Pag-ibig, pagmamahal, pag-irog, pag-aruga. Mabibigat na salita, lalo na sa modernong panahon natin ngayon. Pangkaraniwang gamit para ilarawan ang relasyon ng dalawang tao na nagmamahalan.

Pero ibang klaseng pagmamahal at pag-ibig ang gusto kong isulat. ‘Yung tungkol sa pag-ibig kay Inang Kalikasan.

Pagmamahal sa samu’t-saring buhay o biodiversity. Pag-aalaga sa mga bagay na nagbibigay buhay sa atin. Hangin, tubig, kabundukan, gubat, karagatan at mga iba pang may buhay.

Naisip ko lang ito dahil nitong mga nakaraang araw ay sunod-sunod ang mga pumutok na usapin na mukhang dumarami ang mga pahirap at problemang hinaharap at kakaharapin ni Inang Kalikasan.

Ang barikada ng mga mga tao sa Sibuyan Island, laban sa mapanirang pagmimina. Diumano, ginagamit ng isang maimpluwensiyang pamilya ang kanilang posisyon at kapangyarihan para makapag-operate ang Altai Philippines Mining Corp., pero kulang ang mga permit nito sa pagpapagawa ng daungan at pagputol ng mga puno.

Mabuti na lang at pinatigil ng Department of Environment and Natural Resources ang iligal na operasyon at gawain ng mga minero.

Nagsimula na rin ang mga Dumagat-Remontado mula sa Quezon at Rizal sa kanilang Alay-Lakad laban sa Kaliwa Dam. Natatakot sila na masisira ang malaking bahagi ng Sierra Madre kapag tuluyang dineretso ang konstruksyon ng dam.

Libong hektarya ng gubat, mga ilog at lupaing ninuno ang apektado ng proyektong ito. Alam naman natin na malaking tulong ang Sierra Madre para harangin at basagin ang mga dumarating na malalaking bagyo sa bansa para hindi makapaminsala sa Metro Manila at buong Luzon.

Ano-ano kaya ang maaaring masamang epekto kapag nasira ang Sierra Madre?
Sigurado ako, marami ang nalulungkot sa sinasapit mo ngayon Inang Kalikasan. Lalo na ang mga kabataang mulat, may alam at naiintindihan ang dinaranas mo. Naway bukas sa pagkilos ang DENR para maipatanggol ka.

Mahal ka namin, Inang Kalikasan!