Mahal na bayarin sa driving school sosolusyunan ng LTO

Mahal na bayarin sa driving school sosolusyunan ng LTO

February 24, 2023 @ 5:59 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Land Transportation Office (LTO) chief Jay Art Tugade nitong Biyernes, Pebrero 24 na sosolusyunan nito ang mahal na bayarin sa mga driving school.

Ito ay kasunod ng naging puna ni Pampanga Rep. Anna York Bondoc sa “costly” at “burdensome” na proseso para makakuha ng driver’s license sa bansa.

“Hindi po matatapos ang buwan ng March, magkakaroon po ng solusyon ang ating LTO,” ani Tugade sa isang press briefing.

Binanggit rin niya na isa sa naiisip nilang solusyon ay ang pagrepaso sa proseso sa accreditation ng mga driving school at standardization sa bayad.

“The solution we are proposing is a reasonable, fee-based structure,” ani Tugade.

Ipinaliwanag din na ikokonsider ng LTO ang iba’t ibang salik katulad ng minimum wage sa rehiyon, electrical rates, at iba pang posibleng pagkagastusan ng isang driving school para sa standard price na sisingilin nito.

Sinabi rin nito na gumagamit ang LTO ng “Laissez-faire” scheme para sa mga driving school.

Dahil dito ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga tao na makapili ng driving school depende sa presyo nito.

Samantala, nilinaw naman ni Tugade na hindi mahal ang kumuha ng lisensya sa LTO, kung saan ang kabuuang halaga nito ay nasa P685 lamang para sa aplikasyon at license fee.

Sa kabila nito, aminado siya na ang mataas na gastusin ay dahil sa na-amyendahan na Republic Act (RA) 10930, o ang “Land Transportation and Traffic Code,” kung saan obligado na ang pagkuha ng theoretical driving courses (TDC) at practical driving courses (PDC).

“Noong napasa po yung RA 10930, which is the act rationalizing and strengthening the policy regarding driver’s license, ito po ‘yung nag-eextend ng validity ng driver’s license to 10 years — pinasa po ito nung 2019 — nag-meeting po raw ‘yung mga driving schools at doon po nag-agree sila, pero verbally lang po, doon sa rates na i-cha-charge po nila,” aniya.

Sa impormasyon, pumayag ang mga driving school noong 2019 na maningil ng P1,400 hanggang P2,500 para sa TDC at P4,500 o higit pa sa PDC. RNT/JGC