Mahal na lisensya paiimbestigahan sa Kamara

Mahal na lisensya paiimbestigahan sa Kamara

February 23, 2023 @ 4:54 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon ang isang mambabatas nitong Huwebes, Pebrero 23 na layong imbestigahan ang tinawag niyang “anti-poor” at mahal na bayarin para makakuha ng driver’s license sa bansa.

Ayon kay Pampanga 4th District Rep. Anna York Bondoc, kailangan ng isang indibidwal ng nasa P9,000 hanggang P15,000 para makakuha ng non-professional driver’s license.

“The fees of the LTO (Land Transportation Office) is around P1,500 kasama na po ‘yung medical doon. Ang nagpapamahal po talaga is theoretical driving course between P1,500 to P2,500 and ‘yung practical driving course between P3,000 to P7,000,” ani Bondoc sa panayam ng TeleRadyo.

“Napaka-antipoor nito and it’s very expensive,” dagdag pa niya, kung saan ibinahagi rin nito na kasama sa iimbestigahan ay ang mga accredited driving school na nagpapataas sa gastusin ng mga nais kumuha ng lisensya.

Ipinaliwanag ni Bondoc na sa ilalim ng Republic Act No. 10930, na nagpalawig din sa validity ng driver’s license ng hanggang 10 taon, kailangan lamang ay maipasa ang driving school test kahit na marunong o hindi marunong magmaneho ang isang estudyante.

Ani Bondoc, tila nagtulak lamang sa panunuhol ang naturang batas sa halip na mapabuti pa ang kaligtasan sa mga kalsada.

“Sino bang kumukuha ng new driver’s license? Di ba ito yung 18 years old and above? So ang bigat nito for somebody who doesn’t even have a job, nagsa-start pa lang po. Of course, magulang po ang magbabayad. And talagang anti-poor napakabigat nito,” aniya.

“Napakahalaga ng driver’s license… maraming maghahanapbuhay po that includes Grab driver, company driver, family driver, jeepney driver, bus driver.” RNT/JGC