Mahal na singil sa European passport pinasisiyasat

Mahal na singil sa European passport pinasisiyasat

November 9, 2022 @ 2:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Isang resolusyon ang inihain sa Kamara ng Makabayan Bloc na humihiling na imbestigahan ang pagtaas sa singilin sa pagproseso ng mga pasaporte at iba pang serbisyo ng konsulado ng Pilipinas sa European Union (EU).

Sa inihaing House Resolution 524 ng Makabayan Bloc ay hinihingan nito ng paliwanag ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa P700 na pagtaas ng singil sa passport processing sa Eurozone, pati ang bayad sa pagproseso ng nawalang pasaporte na tumaas ng 30 euros, o mula sa 135 euros ay naging 165 euros o nasa halagang P1740.

Giniit ng mga progresibong mambabatas na ang pagtaas ng singilin ay dagdag pahirap sa mga Pinoy na nasa Europa sa harap na rin ng pagtaas ng inflation sa nasabing bansa, nabatid na pumalo sa 10.7% ang inflation rate sa 19 bansa kabilang ang EU.

Sinabi ni Gabriela Partylist Rep Arlene Brosas na dapat ipahinto ng DFA ang pagpapatupad ng bagong schedule of fees ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Europa.

“Huwag dapat gatasan pa ang mga kababayan natin sa ibayong dagat para lamang makalikom ang gobyerno ng karagdagang kita, huwag nating gawing palusot ang paglakas ng US dollar kontra euro dahil hindi naman dapat ipapasan sa mga migranteng Pinoy ang foreign exchange losses,” paliwanag ni Brosas.

Umaasa ito na bibigyang pansin ng House Leadership ang nasabing usapin. Gail Mendoza