Mahal, ‘outdated’ na laptops ipinalilinaw ng DepEd sa PS-DBM

Mahal, ‘outdated’ na laptops ipinalilinaw ng DepEd sa PS-DBM

August 6, 2022 @ 11:30 AM 2 days ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes na ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang makapaglilinaw ng umano’y biniling “outdated” at mahal na mga laptop para sa mga guro.

Matatandaang sinita ng Commission on Audit (COA) ang DepEd sa pagbili ng P2.4 bilyong lumang model ng laptop sa pamamagitan ng PS-DBM. 

Nagresulta ang pagbili ng mamahaling laptop sa mas kaunting units, at “adversely decreased the number of intended beneficiaries from 68,500 to 39,583 public school teachers,” ayon sa state auditors.

Iniahayag naman ng DepEd na ang presyo ng laptop “can be best answered” ng PS-DBM dahil ang huli ang bumili ng mga ito.

“The Department only received the laptops from PS-DBM,” sabi ng DepEd. “DepEd commits to working closely with the COA to ensure the continuous improvement of its services to the public.”

Nauna nang sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na hinihintay nila ang feedback mula sa COA matapos nilang magsumite ng “documentary requirements” kaugnay ng mga biniling laptop.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang PS-DBM ukol dito.

Magugunitang nasangkot na rin ang PS-DBM sa mga kontrobersiya, na kamakailan lamang ay sa multibillion-peso transactions sa Pharmally Pharmaceutical Corp at umano’y “mismanagement” ng COVID-19 response funds. RNT/SA