MAHALAGA ANG INTERNET SUBSIDY SA EDUKASYON

MAHALAGA ANG INTERNET SUBSIDY SA EDUKASYON

December 13, 2021 @ 10:40 AM 10 months ago


ISA sa ating magandang layunin para mapagbuti ang kalidad ng edukasyon ay ang pagsusulong at pagkakaloob ng internet subsidy sa pinakamahihirap na estudyante sa ating bansa.

Ito po ay bilang paghahanda sa inaasahang pagbabago sa ating sistema ng edukasyon kung saan bukod sa physical classes ay magkakaroon pa rin ng online classes.

Alam n’yo po ‘vulnerable country’ ang Pilipinas na madalas nakararanas ng mga kalamidad tulad ng pagputok ng bulkan, bagyo at iba pa.

Sa ngayon po ay may P20 bilyong pondo na inilaan ang Department of Education  para sa pagbili ng mga gadget sa ilalim ng kanilang information technology program.

Bagama’t tinutugunan ng ating gobyerno ang paggamit ng teknolohiya sa panig ng mga guro, kailangan pa ring solusyunan ang problema sa napaka bagal na koneksyon ng internet kaya man atin po itong tinututukan.

 —000—000—000—

ISAMA NA ANG BAKUNA SA ELEMENTARYA

Nais ko munang umapela sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases na unahin munang bakunahan ang mga batang edad 5-11 bago payagang pumasok para sa face-to-face classes.Para po sa kaalaman ng ating mga kababayan, maging ang mga nasa kolehiyo ay limitado lang sa mga estudyanteng nabakunahan na kaya’t dapat ay gawin din itong panuntunan sa mga batang nasa kinder at  elementary school para sa kanilang proteksyon.

Bilang isang ama, alam ko rin po ang damdamin sa ating mga anak kapag sila ay pumapasok sa eskuwela lalo na ngayong panahon na ito na may naka-ambang virus na maari nilang makuha sa kanilang pagpasok. Ang mga may pilot run ng face-to-face classes ay mga bata na nasa 5 to 11 age group na hindi pa nabakunahan dahil wala pang bakuna na pinapayagan sa kanilang edad.

Kaya naman wala pang lumilikha ng bakuna ang nagsumite ng kanilang Emergency Use Application para sa mga batang may edad na 5 hanggang 11 taong gulang.

Maaalalang pinahayag na ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na hinihintay pa nila ang Pfizer BioNTech na magsumite ng aplikasyon para sa EUA ng kanilang bakuna laban sa COVID-19 para ilaan sa grupo ng mga bata sa nabanggit na edad.

Ang FDA po ng Amerika, European Medicines Agency at iba pang bansa ay pinagkalooban na ng EUA ang Pfizer para sa mga batang may edad na 5 hanggang 11-taong gulang.

Kamakailan nga ay sinabi niya na nagpahayag na rin ng intensiyon ang Chinese pharmaceutical firm na lumikha ng Sinovac na magsumite ng EUA para sa nabanggit na grupo matapos mapagsama-sama ang mga datos na magpapatunay na ligtas itong gamitin sa populasyon ng mga bata.

Ang Sinovac ay kasalukuyang ginagamit na ng China at Indonesia na pambakuna sa mga batang nasa pagitan ng 5 hanggang 11-taong gulang.

Kung sakali at magsumite na rin ang Pfizer o ang Sinovac ng kanilang aplikasyon, nararapat lamang na madaliin ng FDA ang pag-aaral at pag-apruba sa naturang mga bakuna upang matiyak na may sapat na proteksiyon ang mga bata sa kanilang pagbabalik-eskuwela.