Mahalagang papel ni Salceda sa pagbangon ng bansa, tinukoy ng kalihim ng DTI

Mahalagang papel ni Salceda sa pagbangon ng bansa, tinukoy ng kalihim ng DTI

June 23, 2022 @ 5:48 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Tinukoy ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon M. Lopez ang malaking papel at tulong ni House Ways and Means Committee Chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa pagbangon ng bansa mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya, bilang pangunahing may-akda ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Sa liham niya kay Salceda kamakailan, sinabi bi Lopez na ang CREATE Act o RA 11536 at mga insentibo nito ang nagsilbing daan tungo sa pagtatag ng bagong estratehiya sa pagbalangkas ng ‘Strategic Investment Promotion Plan (SIPP)’ ng lahat ng ahensiyang nagtutulak ng pamumuhunan sa bansa.

“Nagpapasalamat ang DTI at iba pang ‘Investments Promotion Agencies (IPAs),’ na kasapi sa ‘Philippine Investment Promotion Plan (PIPP)’ sa mabisang estratehiyang ito para sa pagbangon ng ating ekonomiya,’’ pahayag ni Lopez sa kanyang liham.

Kinumbida din niya si Salceda sa ‘Appreciation Ceremony’ para sa kanya na gaganapin sa Hunyo 27, 2022, ika-2 ng hapon sa Legazpi 1 Ballroom, 2nd Floor ng Makati Diamond Residences sa Makati City.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Marso 2021, itinuturing ang CREATE Act na pinakamalaking ‘fiscal stimulus’ para sa mga negosyo sa bansa sa pamamagitan ng mga reporma sa sistema ng pagbubuwis. Ibinaba ng RA 11534 ang ‘corporate income tax rate’ sa 25% mula sa 30% na ang bisa ay mula noong ika-1 ng Hulyo 2020. Kamakailan, tiniyak ni Salceda na ang Agrikultura, bilang pangunahing sektor sa pagsulong ng pagbangon ng bansa, ay tatanggap ng mahahalagang insentibo sa ilalim ng CREATE Act.

Ayon kay Salceda, masusi siyang nakikipagtulungan sa mga Kalihim ng Finance, DTI at Agriculture para maisama ang ilang ‘sub-sectors’ ng agrikultura sa SIPP, ang talaan ng mga industriya na dapat tumanggap ng mga insentibo sa ilalim ng CREATE.

Ipinaliwanag ni Salceda na sa pamamagitan ng mga insentibo sa sektor ng agrikultura, mapapababa ang gastos sa produksiyon at maisusulong ang modernisasyon nito upang matiyak ang sapat na pagkain ng mga Pilipino at mapababa ang presyo ng mga bilihin.

“Positibong paraan ang pagsulong sa produksiyon ng pagkain at hindi nito kailangang ipagbawal ang importasyon ng pagkain na tiyak namang hindi masusustinahan. Walang kapalit ang diretso at positibong suporta sa sektor ng agrikultura,” madiing dagdag niya.

Iminungkahi din ni Salceda ang magiging bagong Kalihim ng DTI, si Alfredo Pascual, na kumpletuhin ang pinasimulang hakbang ng administrasyong Duterte sa pagtatag ng isang kumprehensibong pang-industriyang panuntuhan sa pamamagitan ng pagbalangkas ng isang kumprehensibong SIPP, ang talaan ng mga industriyang dapat mabigyan ng mga insentibo.

Batay sa panukala ni Salceda, itinalaga ng DTI ang ‘three-stage approach’ sa pagbalangkas ng SIPP — pasimula, transisyunal, at kumprehensibong SIPP. Itinuturing sa transisyunal ang kasalukuyang SIPP ngayon, paliwanag niya.

Sinabi rin ng ekunomistang mambabatas na “inaasahan niya ang pangmalawakang pamamaraan sa pagbalangas ng SIPP kung saan kasama ang malinaw na mga detalye ng mga insentibong ibibigay sa mga dapat tumanggap nito sa kung anong baytang ng kanilang pagsulong, upang lalong mapabilis ang paglago nila.”

“Sa maigsing salita, ang kumprehensibong SIPP ang magiging mahalagang instrumento sa pagbalangkas ng pagsulong ng industria at sa ating pag-unlad,” dagdag niya. RNT