MAHALAGANG SIMBOLISMO NG BELEN (PART 2)

MAHALAGANG SIMBOLISMO NG BELEN (PART 2)

December 21, 2022 @ 10:03 AM 2 months ago


Malaking problema ng pamahalaan ang pabahay sa mga walang bahay at mga mahihirap. Deka-dekada na ang National Housing Authority at iba pang ahensya para sa pabahay ngunit lalo lamang lumolobo ang problema sa kakulangan ng pabahay. Dulot na rin ng pabago-bagong polisiya sa bawat administrasyon at matinding korupsyon.

Sa kasalukuyan, naglaan na ng Php 250 billion pesos para pondohan ang “Pambansang Pabahay para sa Pilipino” program ng Marcos administration na nangakong magtatayo ng isang milyong pabahay bawat taon hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong BBM sa taong 2028.

Nakalulungkot na iilang Simbahan ang sumusunod sa panawagan ni Pope Francis na buksan ang mga Simbahan para sa taong walang matirhan at walang matuluyan. Nangangamba silang madumihan ang Simbahan o sa seguridad nito. Pero ang Simbahan ba ay ang pisikal na istruktura o tao ang siyang bumubuo ng Simbahan?

Malalim ang ugat ng kakulangan at kawalan ng bahay sa Pilipinas para sa mga Pilipino. Nangyayari ito habang patuloy ang pagdami ng mga itinatayong condominiums na para sa mga banyaga na dumadayo sa ating bansa. Hindi masama ang tumanggap ng panauhin at patirahin sila dito, pero sana ay unahin muna ang kapakanan ng ating mga mamamayan.

Sa Paskong ito, isama natin sa ating mga panalangin ang mga homeless families at napakaraming ISFs sa ating lipunan. Nawa ay magkaroon na ng mabisa at pangmatagalang solusyon sa problema ng pabahay.

Nakakalungkot makakita ng mga pamilya sa lansangan. Dapat silang bigyan ng dangal ng pamahalaan at ng Simbahan. Dapat magtulong ang gobyerno at ang Simbahan para mahango sa delikadong lugar ang maraming pamilya. Pananagutan nila ito kapwa at sa Dakilang Diyos.

Sana ay maraming mga kababayan natin na may kakayahan ang makatulong sa kanila sa anumang kaparaanan.

Sa tulong at paggabay ng maawaing Dakilang Panginoon, nawa ay mahanap na ng mga homeless families at ISFs sa ating bayan ang matagal na nilang hinahanap na Bethlehem.