MAHALAGANG SIMBOLISMO NG BELEN

MAHALAGANG SIMBOLISMO NG BELEN

December 20, 2022 @ 11:03 AM 1 month ago


Pag-usapan natin ang mahalagang simbolismo ng belen o ng “nativity scene” sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Bilang isang dominanteng Kristiyanong Katolikong bansa, lubhang napakahalaga ng belen.

Para sa marami, dito nila nadarama ang malalim na mensahe ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo.

Pero katulad ng Kanyang pamilya, ang karanasan nina Mama Mary at San Jose noong unang Pasko, marami pa rin sa pamilyang Pilipino ang patuloy na naghahanap sa matatawag nilang kanilang Bethlehem.

Sa datus ng pamahalaan, sa Metropolitan Manila at mga kalapit na lalawigan, mayroong tinatayang 12,000 homeless families maliban pa sa 3.6 million na mga pamilyang tinatawag na ISFs o Informal Settlers Families, dating tinatawag na iskwater. Magkaiba ang ‘walang tirahan’ sa ‘hindi akmang panirahan’.

Makikita natin ang mga walang tahanan sa mga bangketa, sa mga waiting sheds, sa labas ng mga parke kung gabi.

Kung magagawi kayo sa may Rizal Park sa pagsapit ng hatinggabi, makikita mo silang nakahiga palibot sa Luneta dahil ipinagbabawal ang mga tulad nilang matulog sa mga inaaalagaang damo ng pambansang parke.

Mahahanap mo rin sila sa labas ng mga matatayog na Simbahan o sa labas ng mga gusali.

Habang ang mga ISF ay makikita na nasa mga tabing ilog, nasa ilalim ng mga tulay o flyover, nasa mga pribadong lupain, nasa paligid ng bundok ng basura o kaya’y nagtitiis sa malapit nang gumuhong mga gusali gaya sa Aroma at Helping Complex sa Tondo, Maynila.

Masuwerte pa nga ang ISFs dahil may bubong silang nasisilungan kapag umuulan.

Paano kaya ang mga homeless kapag bumubuhos ang ulan o sobrang malamig ang panahon?

Ang homeless families at ISFs ay mga pamilyang naghahanap pa rin ng Bethlehem, ng tamang lugar na kanilang masisilungan o masasabing kanila.

Patuloy silang naghahanap ng bahay o tahanan kung saan ay maaari nilang buuin ang kanilang pira-pirasong mga pangarap.