Maharlika fund bill posibleng maipasa pagkatapos ng Holy Week – Zubiri

Maharlika fund bill posibleng maipasa pagkatapos ng Holy Week – Zubiri

January 22, 2023 @ 8:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaasahang maipapasa na sa huling pagbasa ng Mataas na Kapulungan ang panukalang magtatatag sa Maharlika Investment Fund (MIF) pagkatapos ng Semana Santa.

“Tingin ko mga after Holy Week na ‘yan for second and third reading approval and of course, discussion [at the] bicameral conference committee kasi marami pa tayong ite-take up,” pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Sabado, Enero 21.

Nakatakdang magbalik-sesyon bukas, Enero 23 ang Kamara at Senado at magsasara ulit sa Marso 24 o bago mag-Holy Week.

Magbabalik naman ito sa Mayo 8 hanggang Hunyo 2.

Bago ang break sa Marso 24, ani Zubiri, nakikita niyang maipapasa na ang MIF bill sa committee level.

Nais din ng senador na pabilisin ang mga pagdinig sa naturang panukala na sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “urgent.”

“I hope that, at the soonest possible time, magtawag na po siya ng committee hearing para pagdiskusyunan na po natin ito na mga miyembro ng Senado. So the ball is in his court siya po ang chairman ng committee on banks and financial Institution,” ani Zubiri.

“Kasama naman niya palagi si Presidente kapag umikot sa abroad, sa mga presidential trips and visits at pinag-uusapan nila ang Maharlika Fund. So I think…he is well-versed on the need for the Maharlika Fund,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ng Senador na dapat siguruhin na ang Maharlika Investment Fund ay mailalayo mula sa korapsyon.

“Alam mo naman pag hiningi po ng Pangulo ‘yan, hindi naman maganda na iisnub natin ang Pangulo. We cannot snub him. Maganda naman ang kanyang adhikain, maganda naman ang adhikain ng panukalang ito, importante lang na lagyan lang natin ng safeguards para hindi maging prone to corruption or corruption issues. We have to make sure that safeguards are in place,” sinabi pa ni Zubiri.

“Ang importante dito at ang puno’t dulo nitong panukalang ito ay mapalago o mapaganda niya ang ekonomiya ng ating bansa through development programs, through development projects…So we are strongly, I will not say supportive, but we strongly support the move to discuss as soon as possible para nang sa ganun makagawa kami ng desisyon,” pagtatapos nito. RNT/JGC