Maharlika fund bubusisiin sa Senado

Maharlika fund bubusisiin sa Senado

January 24, 2023 @ 3:20 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na busisiin ang Maharlika fund bill, tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Martes na tatalakayin ang panukala “one step at a time” nang walang delay.

Nauna nang inihirit ni Marcos sa Senado na suriing mabuti ang panukala, at sinabing ito ay “more important to be right than to be quick.”

“That’s what I’ve been saying from the beginning diba, na pagaralan natin ng mabuti iyan, mensahe ni Zubiri nang hingan ng komento ukol sa panawagan ng Pangulo.

“We will start with the House version and propose perfecting amendments to it. We will consult with all sectors and lay the premise on why the fund is necessary and if it is, what are the proper safeguards to keep it away from corruption and mismanagement.”

“We will tackle this one step at a time but will not delay the process,” dagdag ng Senate leader.

Nitong nakaraang buwan, ipinasa ng Kamara ang sarili niotng bersyon ng kontrobersyal na panukala na layuning magtatag ng P275 bilyong sovereign wealth fund mula sa iba’t ibang government banks at agencies.

Subalit, dahil sa oposisyon ng publiko, kinalos ng Kamara ang P125 bilyong fund proposal na dapat sana ay manggagaling sa Government Service Insurance System at Social Security System.

Sa Senado, naghain si Senator Mark Villar nitong Lunes ng sariling bersyon ng panukala.

Bagama’t sang-ayon sa pahayag ni Marcos, sinabi ni Senate Minority Leader  Aquilino “Koko” Pimentel III na mas mainaw na huwag nang isulong ang panukala kung hindi naman ito kailangan.

“Tama naman ang sinabi ni PBBM (President Bongbong Marcos) pero kung wala talagang katwiran, dahilan, at puhunan para sa isang Sovereign Wealth Fund/Maharlika Fund ay mabuting hindi nalang pilitin,” pahayag niya.

“Kung utang, waldas, at aksaya lamang ang magiging resulta ng Maharlika Fund, wag na nating aksayahan yan ng panahon,” dagdag ni Pimentel.

Sa halip, pinayuhan niya ang pamahalaan na tutukan na lamang ang iba pang isyu gaya ng food production, mataas na inflation at presyo ng basic commodities.

“Focus. Prioritize. Concentrate,” giit ni Pimentel. RNT/SA