Maharlika Fund ‘di matutulad sa 1MDB scandal – Salceda

Maharlika Fund ‘di matutulad sa 1MDB scandal – Salceda

December 2, 2022 @ 3:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na masisigurong ligtas laban sa pang-aabuso at paggamit sa hindi tama, ang planong sovereign wealth fund na tatawaging Maharlika Investment Fund.

Ani Salceda, hindi ito matutulad sa kinasangkutang corruption scandal ng 1Malaysia Development Berhad sa Malaysia.

“Hinding-hindi mangyayari ‘yun dito,” giit ng mambabatas sa panayam ng ANC.

“I think there are enough safeguards against any 1MDB scenario for the Maharlika Investment Fund,” dagdag pa niya.

Nitong Huwebes, Disyembre 1 ay inaprubahan ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang panukalang batas na bubuo sa MIF.

Ayon kay Salceda, naglatag ng apat na patong ng maayos na corporate governance ang mga mambabatas sa IMF.

Ito ay ang board of directors, advisory body, risk management unit, at congressional oversight committee.

Dagdag niya, ang palyadong 1MDB ng Malaysia ay may ibang uri ng istruktura.

“Naka-layer ng naka-layer na hindi napansin. Nagising nalang sila ang laki-laki na pala nung [nawala], at saka ‘yung 1MDB was able to invest in accounts that appeared legitimate that were actually personal accounts of government officials of Malaysia,” aniya.

Sa kasalukuyang anyo, ang proposed fund ay pamamahalaan ng Maharlika Wealth Fund Corporation at magkakaroon ng alokasyon mula sa mga sumusunod na institusyon.

P125 billion mula sa Government Service Insurance System
P50 billion mula sa Social Security System
P50 billion mula sa Land Bank of the Philippines
P25 billion mula Development Bank of the Philippines
P25 billion mula National Treasury

“Investments in sovereign wealth fund will be guaranteed by the national government. Therefore, it has potential to earn but it has no risk,” dagdag ni Salceda.

Si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. naman ang magsisilbing chairperson ng government corporation.

Kaugnay nito, nauna nang nagpahayag ng pagsuporta si Finance Secretary Benjamin Diokno. RNT/JGC