Maharlika fund ilalaan sa agri, energy, digitalization, climate change

Maharlika fund ilalaan sa agri, energy, digitalization, climate change

January 16, 2023 @ 9:06 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Gagamitin ng pamahalaan ang panukalang Maharlika wealth fund para sa investment sa agrikultura, enerhiya, digitalisasyon at climate change.

“Meron na tayong puwede pang pag-usapan na sovereign wealth fund. So sasabihin ko exactly what’s happened that we are forming a sovereign wealth fund for investments, for big investments in the basic areas such as agri, energy, digitalization, climate change — the point being is that now there is a wealth fund,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam.

Layon kasi ng gobyerno na makahikayat ng mas maraming investments sa bansa at makalikha ng mas maraming economic opportunities.

Umaasa naman si Pangulong Marcos na ang wealth fund ay magiging mekanismo para itaas ang “economic stability” at pagaanin ang kahirapan.

Sa ulat, ididiga ni Pangulong Marcos sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland ang usapin sa sovereign wealth fund.

Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, sinabi ni Foreign Affairs Underscretary Carlos Sorreta, soft launch ang gagawin ng Pangulo sa sovereign wealth fund.

dadalo ang Pangulo sa WEF na magsisimula ngayong araw ng Lunes, Enero 16 hanggang 20.

Ayon kay Sorreta, ipakikilala lamang ng Pangulo sa world leaders ang sovereign wealth fund.

Ideya aniya ni Pangulong Marcos na idiga sa WEF ang sovereign wealth fund para mapalawak ang investible funds ng state-run financial institutions.

Tiyak din kasi aniyang tataas ang public funds para magamit sa nation-building.

Sa ngayon, inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magtatag ng Maharlika Investment Fund o sovereign wealth fund.

Sa ilalim ng panukala, maglalaan ng P50 bilyong pondo ang Landbank of the Philippines, P25 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines at Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Sorreta na ibibida rin ng Pangulo sa world stage kung ano ang ginagawa ng Pilipinas sa usapin ng pagnenegosyo.

Ipakikita aniya ng Pangulo sa mga dayuhang lider at mamumuhunan na kaakit-akit na ang Pilipinas para paglagakan ng negosyo.

Tema ng WEF ngayong taon ay Cooperation in a Fragmented World. Kris Jose