Maharlika Fund ipinabubusisi pa ni Estrada

Maharlika Fund ipinabubusisi pa ni Estrada

December 4, 2022 @ 8:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nais pang ipabusisi ng husto ni Senador Jinggoy Estrada ang proposed Maharlika Investment Fund.

Ito ay dahil sa napakarami pa umano niyang katanungan tungkol sa planong sovereign wealth fund.

“We have to scrutinize it. We have to debate it extensively, at ako personally, marami din akong pwedeng maitanong,” pahayag ni Estrada.

“There are a lot of questions that can be raised. First of all, saan nila kukunin ‘yung pera?,” dagdag pa niya.

Ayon sa mga bumuo ng panukala, ang SWF ay layong gamitin ang investible government assets upang tumubo o kumita at makatulong sa mga Filipino.

Magmumula sa mga government financial institutions tulad ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ang gagamiting pondo.

“Pangalawa, is it safe or is it risky? If they’re going to get it from GSIS, SSS, are we going to risk the pensions of our pensioners?” tanong ni Estrada.

Suhestyon din ng senador na lagyan pa ng mas maraming pag-iingat ang proposed Maharlika Investment Fund, sabay kwento ng nangyari sa state-owned investment fund na 1MDB ng Malaysia.

“I’m not saying na mangyayari dito sa Pilipinas ‘yan no. Kailangan siguro maglagay pa tayo ng additional safety nets o safeguards kung maa-approve itong MWF (Maharlika Wealth Fund) na ito,” giit niya.

Sa kasalukuyan ay puspusan na ang pagsisikap ng House of Representatives upang mapabilis ang pag-apruba sa panukala, na magsisilbing kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa. RNT/JGC