Maharlika Fund ipinagtanggol ng GSIS

Maharlika Fund ipinagtanggol ng GSIS

December 5, 2022 @ 5:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Government Service Insurance System (GSIS) president at general manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso nitong Lunes, Disyembre 5 ang proposed sovereign wealth fund na Maharlika Investments Fund.

Ani Veloso, ito na ang tamang panahon upang ipamuhunan at kumita ng mas marami pang pondo na magbebenepisyo ang mga miyembro nito.

“Ang trabaho po namin ay ang pera ilagay sa tamang lugar na kikita nang mas malaki at para pag maibigay sa amin ay maibigay naming benepisyo sa mga miyembro namin,” sinabi niya sa mga mamamahayag.

Sa ilalim ng Republic Act 656 na inamyendahan ng Presidential Decree 245, binibigyang mandato ang GSIS na protektahan ang lahat ng ari-arian at interes ng pamahalaan laban sa insurable risks.

Nagbibigay ito ng iba’t ibang non-life insurance products na poprotekta sa institutional at individual clients.

Ayon kay Veloso, sa ilalim ng panukala ay masisiguro naman ang pagiging transparent nito dahil ito ay babantayan ng board of advisers at may posibilidad pang isama ang mga miyembro mula sa ilang pribadong sektor tulad ng Philippine Stock Exchange (PSE) at Bankers Association of the Philippines (BAP).

Dagdag niya, ang pamumuhunan sa kasalukuyang kondisyon ay mas makatutulong sa bansa dahil sa inaasahang mas malaking kita.

“I’ve always believed, in my years of investing, you invest when the market is down, you invest when there’s blood on the streets,” aniya. RNT/JGC