Maharlika fund, RCEP ratification pinag-usapan nina Zubiri, Marcos, Romualdez

Maharlika fund, RCEP ratification pinag-usapan nina Zubiri, Marcos, Romualdez

January 29, 2023 @ 9:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Sabado, Enero 28 na kabilang sa mga napag-usapan sa congressional leaders’ meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at proposed Maharlika Investment Fund (MIF).

Ani Zubiri, nangako ang Senado na tatalakayin nito at raratipikahan ang RCEP sa lalong madaling panahon.

Ang RCEP ay ang free trade agreement sakop ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations at partners nito na Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.

Layon ng ratipikasyon ng RCEP na magbigay ng mas malawak na market para sa mga lokal na produkto ng bansa.

Samantala, nagpasalamat naman si Zubiri sa Pangulo nang magsabi na hindi nito mamadaliin ang pagpasa sa MIF bill.

Ang MIF bill ang panukalang batas na bubuo sa sovereign wealth fund ng bansa.

“Pinag-usapan din namin ang MIF at nagpasalamat ako kay Presidente sa pagsang-ayon niya na wag madaliin ang panukalang ito para mapaganda talaga namin ang mga iba’t ibang probisyon ng MIF at malagyan ng mga sapat na safeguards na maproteksyonan ang pondong iyan na hindi matamaan ng korupsyon or mismanagement,” pahayag ni Zubiri.

Ang economic managers ni Marcos ang magpapaliwanag sa mga senador patungkol sa proposed MIF na inaprubahan sa huling pagbasa noong nakaraang buwan.

Maliban kay Zubiri, kasama rin sa pagpupulong si Speaker Martin Romualdez.

“Our promise to the President is that we will work hard to pass the bills that will help make a big impact on our economy, but most especially on all our kababayans so that the economic growth is felt by them as well,” pagtatapos ng senador. RNT/JGC