MAHARLIKA INVESTMENT FUND AT PARUSANG BITAY

MAHARLIKA INVESTMENT FUND AT PARUSANG BITAY

January 23, 2023 @ 1:50 PM 4 days ago


MARAMING usapin ang pinalilitaw ukol sa Maharlika Investment Fund, lalo na ang patungo sa hindi nito pagkakaapruba.

Sa Kamara, tapos na ang usapin dahil mayorya rito ang nag-apruba bagama’t may mga nag-iingay pa rin na mga kongresman laban dito.

Sa Senado na lang tayo maghihintay kung ano ang kahihinatnan ng panukalang batas para sa MIF…kung aaprubahan ng mayorya ito hindi.

Siyempre pa, kung hindi makapapasa ito sa Senado, walang hahantungan ang panukala kundi sa basurahan masyut.

Pero ipagpapalagay na nating aaprubahan din ng Senado ang panukala ngunit matapos ang mahaba-haba at katakot-takot na balitatakan ukol sa bentahe at disbentahe nito sa buong sambayanang Pilipino.

KITA SA MIF IDARAGDAG SA BUWIS, TARIPA AT UTANG

Para madaling maunawaan, heto muna ang sasabihin natin.

Itong tinatawag na buwis at taripa ang siyang itinuturing na buhay ng pamahalaan.

Kung walang buwis sa serbisyo at kalakal na koleksyon ang Bureau of Internal Revenue at kung walang taripa o buwis sa mga imported na kalakal at serbisyo ang Bureau of Customs, paralisado o patay ang pamahalaan.

Halimbawa namang kulang ang buwis at taripa, andiyan din ang utang na panloob at panlabas ng pamahalaan.

Kung walang buwis, taripa at utang ang gobyerno o labis-labis ang kakulangan ng salapi ang gobyerno, wala itong pampasahod sa mga tao nito mula sa Pangulo, senador, kongresman hanggang sa mga drayber at janitor at wala itong gagastusin para sa lahat ng mga proyekto o programa nito.

Katakot-takot na hirap ang daranasin ng mga mamamayan sa ganyan na kalagayan, may kalamidad man o wala.

Kapag nagnegosyo ang pamahalaan sa pamamagitan MIF at kumita, diyan makaaasa ang gobyerno ng mga dagdag na kita na maisasama sa buwis, taripa at utang para sa kapakanan ng lahat sa mahal kong Pinas.

Sa malalaking proyekto balak ikasa na MIF gaya ng sa pagkain, enerhiya, imprastraktura at iba pa.

Manggagaling ang panimulang pondo ng MIF sa Land Bank of the Philippines sa halagag P50 billion; Development Bank of the Philippines – P25B; Bangko Sentral ng Pilipinas – 100% dibidendo ng para sa pambansang pamahalaan; at Philippine Amusement and Gaming Corporation – 10% ng kabuuang kita nito.

Kapag naaprubahan na bilang batas, tiyak na maglalaan din ng pondo ang pambansang pamahalaan at maaaring sasama ring mamuhunan ang mayayamang local government units.

BITAY SA MGA KORAPSYON, MANDARAMBONG

Isa sa mga mainit na pinag-uusapan sa MIF at nakasasagabal sa madaling pag-apruba ng panukala ang paglalaway ng mga korap at mandarambong sa malaking pondo rito.

Para sa atin, mahaharang ang kilos ng mga korap at mandarambong kung ibalik ang parusang bitay sa mga ito.

Magandang ibaba sa P10 milyon lamang, hindi P50M, ang nakawan dito bilang batayan ng pagbitay sa lethal injection, firing squad o pagbigti sa lubid.