Maharlika Investment Fund bill pasado na sa Kamara

Maharlika Investment Fund bill pasado na sa Kamara

December 16, 2022 @ 7:13 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara nitong Huwebes, Disyembre 15 ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill.

Nakatanggap ang House Bill 6608 o panukalang magtatatag ng isang sovereign wealth fund ang bansa, ng 279 yes votes, anim na no votes at zero abstentions.

Matatandaan na sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang panukala bilang urgent kung kaya’t naipasa ang ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkaparehong araw.

Binasa ang kanyang mensahe kasabay ng plenary session ng Kamara ilang sandali lamang makalipas aprubahan ang panukala sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng voice vote.

Nauna nang nagpahayag ng pag-asa si Marcos na makatutulong sa bansa ang Maharlika sovereign wealth fund.

Layon ng MIF bill na gamitin ang investible funds mula sa state-run financial institutions upang palaguin pa ang kita ng bansa.

Kabilang sa mga magpopondo para rito ang LandBank of the Philippines sa P50 bilyon, Development Bank of the Philippines sa P25 bilyon at ang mga kita o dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

“We view the proposed Maharlika Investment Fund Act as an effective vehicle to execute and sustain high-impact infrastructure projects, urban and rural development, agricultural support, and other programs that would generate more income and economic activity in the country,” pahayag ng co-author ng MIF bill na si Speaker Martin Romualdez makaraang maaprubahan ang panukala.

“By gaining financial independence from global economic factors such as inflation and economic regression, we will build a business climate that will attract more companies to invest in the country, generate jobs, support agricultural modernization, sustain social welfare programs, and achieve economic transformation,” dagdag pa niya. RNT/JGC