Maharlika Wealth Fund, pag-aaralan muna sa Senado

Maharlika Wealth Fund, pag-aaralan muna sa Senado

December 4, 2022 @ 3:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng ilang senador na kailangan munang pag-aralan ang panukalang magbuo ng Maharlika Wealth Fund mula sa kontribusyon ng empleado ng pribado at pampublikong tanggapan kabilang ang pondo ng dalawang malalaking bangko ng gobyerno at Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangan matiyak na mapapahalaan nang mahusay ang pondo at maglagay ng safeguard laban sa anumang uri ng paglulustay at korapsiyon.

“We must first ensure the sovereign wealth fund is necessary and if so, we need to ensure that it is managed properly and the safeguards are in place so that it would not be misused or prone to corruption,” ayon kay Zubiri sa pahayag.

Sinabi ni Zubiri na nakatakda itong magbuo ng isang grupo na kinabibilangan nina Senador Sonny Angara, Win Gatchalian, Grace Poe, Mark Villar, at Alan Peter Cayetano, na pawang chairperson na iba’t-ibang komite na “pag-aralan nang mabuti ang panukala at magbigay ng feedback sa Senado kung kailangan ang naturang pondo.”

Kamakailan, inihain ng ilang mambabatas sa pangunguna ng kaanak ni Pangulong Ferdinand Bongbng Marcos Jr., na sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, anak nitong si senior deputy majority leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at apat pang mambabatas na naghain ng House Bill 6398, o ang Maharlika Investment Fund Act.

Layunin ng panukala na magbuo ng sovereign wealth fund para sa Pilipinas na ipunin ang kita ng ari-arian ng pamahalaan.

Kukunin ang pondo mula sa major pension funds at government banks, kabilang ang Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines (Land Bank), at Development Bank of the Philippines (DBP).

Sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat liwanagin ang ilang probisyon sa panukala kabilang ang seed money na pagkukunan at kung sino ang mamahala ng pondo.

“It (seed money) must be surplus funds and it must be ‘ours’ meaning belonging to the Filipino people as a collective,” aniya

Walang pagtutol sa ngayon, pero sinabi ni Sen. Francis Escudero na kanyang pag-aaralan at hihimayin ang panukala upang matiyak na maitatakda ang “best practicesa” sa ibang bansa sa pagpapatupad nito at maiwasan ang pagkakamali.

“Initially, the bill has to clarify what ‘earnings’ will be used to ‘fund’ what projects since the named incorporators (ie DBP, Land Bank, GSIS, SSS) also need to ‘earn’ from their investment in this fund, especially GSIS and SSS that fund the pension and social security of government and private employees, respectively,” aniya.

Naniniwala naman si Sen. Joel Villanueva na makalilikha ng mas maraming trabaho ang pondo para sa Filipino.

Ngunit, tinutulan naman ni Senador Imee Marcos na panukalang isama ang retirement funds, remittances mula sa overseas Filipino workers, at taunang kontribyson ng business processing outsourcing or BPO sector sa panukalang wealth fund.

Iminungkahi niya na palawakin na lamang ang Government Financial Institutions (GFIs) Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act, na inaprubahan nitong Agosto sa Mababang Kapulungan.

“Bakit di rin tayo mag-issue ng bonds and other financial papers…bakit hindi maglabas ng Kalinga sa Bayan bonds para sa ating mahihirap, may sakit, at sa lahat ng kapwa Pilipinong nangangailangan ng tulong?” ayon sa senador. Ernie Reyes