Mahigit sa 4,000 indibiduwal, nagsilikas na sa Marikina

Mahigit sa 4,000 indibiduwal, nagsilikas na sa Marikina

July 22, 2018 @ 1:35 PM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Nagsilikas na ang mahigit sa 4,000 na indibiduwal sa Marikina City, Linggo (July 22) ng umaga matapos tumaas ang lebel ng tubig sa Marikina river dahil sa epekto ng bagyong Josie.

Ayon sa Marikina police, patuloy na nagsisilikas ang mga residente papunta sa mga evacuation centers sa Malanday Elementary school, Bonela Covered Court, Nangka Elementary School, Sta. Elena High School, Concepcion Integrated School, Tanong High School, at H. Bautista Elementary School.

Mabilis na tumaas ang bilang ng mga nagsilikas na mahigit sa 4,000 indibiduwal matapos maglabas ng evacuation measure, ayon pa sa ulat.

Umabot na sa 17.4 meters ang tubig sa Marikina river dakong alas-9:40 ng umaga.

Nilinaw naman ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na hindi pa nagpapatupad ng sapilitang paglikas ang lungsod.

Ipatutupad lang anya ito oras na umabot sa 18 meters ang lebel ng tubig sa Marikina River.

Patuloy naman na inaasahan ng mga awtoridad ang pagdagsa ng mga lilikas dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog. (Remate News Team)