Mahigpit na border control vs Lambda variant, tiniyak ng DOH

Mahigpit na border control vs Lambda variant, tiniyak ng DOH

July 6, 2021 @ 2:49 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang mahigpit na border controls para maipiglan ang pagpasok ng Lambda COVID-19 variant sa bansa.

Sa ngayon, ayon kay Duque, wala pang naitatalang kaso ng Lambda variant sa Pilipinas.

Una itong na-detect sa Peru at kasalukuyang naitatala na rin sa 35 bansa sa buong mundo kabilang ang Latin America.

Ayon sa World Health Organization, itinuturing pa lamang na isang “variant of interest” ang Lambda variant.

“Kinakailangan talaga bantayan natin ito dahil baka biglang maging variant of concern. Ang gagawin ay patuloy na paigtingin ang border control para makasiguro na hindi ito makalusot,” ani Duque.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang lahat ng overseas Filipinos na sumunod sa istriktong quarantine protocol pagkarating sa bansa

Sa panig naman ng Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na imo-monitor nilang mabuti ang mga pagbabago sa variant at gagawa ng naaayong hakbang.

Ito ay matapos na matanong ang Palasyo kung magpapatupad ito ng travel ban sa mga bansang may kaso na ng Lambda strain. RNT