Mahihirap na pamilya sa Antipolo, Cainta inayudahan ni Bong Go

Mahihirap na pamilya sa Antipolo, Cainta inayudahan ni Bong Go

April 12, 2022 @ 2:11 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na tiyaking maaabot ng pinakamahihirap sa mga mahihirap ang suporta at serbisyo sa pagbangon ng bansa mula sa COVID-19.

Ginawa ni Go ang apela sa mga aktibidad ng pamamahagi ng ayuda na isinagawa ng kanyang grupo sa Antipolo City at Cainta sa Rizal kamakailan.

“Pakiusap, huwag nating pabayaan ang mga kababayan natin, lalo na ‘yung mga mahihirap, dahil tayo lang ang matatakbuhan nila. Balansehin natin ang pag-ahon ng ating ekonomiya,” ani Go.

“Unahin natin ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino para masigurong walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon bilang isang mas matatag na bansa,” dagdag niya.

Ang grupo ng senador ay namahagi ng mga tulong sa kabuuang 1,156 residente sa Ynares Event Center sa Antipolo City at Municipal Hall sa Cainta.

Nagbigay din sila sa mga piling indibidwal ng mga bagong sapatos, bisikleta, at computer tablet para matulungan silang tugunan ang iba pang mga hamon na nauugnay sa pandemya.

Bilang karagdagan, ang mga tauhan mula sa Department of Social Welfare and Development ay namigay naman ng tulong pinansyal upang makatulong na mabawasan ang masamang epekto ng patuloy na krisis sa kalusugan.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, nangako si Go na patuloy na makikipagtulungan sa gobyerno para protektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa abot-kayang pangangalagang pangkalusugan.

Hinikayat niya ang mga maysakit at matatanda na bumisita sa pinakamalapit na Malasakit Center kung saan sila ay maginhawang makaa-avail ng mga medical assistance program na iniaalok ng gobyerno.

Sa kasalukuyan ay may 151 Malasakit Center sa buong bansa, ang pinakamalapit sa mga ito ay matatagpuan sa Antipolo City Hospital System Annex IV, Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital sa Rodriguez, Bagong Cainta Municipal Hospital, at Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan.

“Hindi n’yo kailangang mahirapan dahil sa totoo lang, pera n’yo naman ‘yan. Binabalik lang ito sa inyo sa pamamagitan ng mabilis at maayos na serbisyo mula sa Malasakit Centers,” pagdidiin ni Go. RNT