Mahinang tubig ng Maynilad, sinisi sa tumagal na sunog sa Valenzuela

Mahinang tubig ng Maynilad, sinisi sa tumagal na sunog sa Valenzuela

April 10, 2022 @ 8:51 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Isinisi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa mahinang water pressure ng Maynilad ang hindi kaagad naapulang sunog sa Dulong Tangke, Malinta na tumupok sa 50 bahay kahapon ng hapon.

Nabatid na mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay doon.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago idineklarang fire under control ng alas-9:05 ng gabi.

Dalawa ang nasugatan sa insidente na ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nahirapan silang makapasok sa kaloob-looban ng barangay dahil sa mga naglalabasang residente.

Bukod dito, mahina rin ang pressure ng tubig.

Giit ni Gatchalian, hindi dapat naging ganoon kalaki ang pinsala kung ginawa ng Maynilad ang kanilang trabaho kaya’t nararapat lamang umanong tulungan ng water service provider ang mga nasunugan sa pagpapatayong muli ng kanilang mga bahay.

Itinanggi naman ng Maynilad ang ibinibintang sa kanilang kapabayaan at iginiit na agad silang tumugon sa panawagan ng alkalde at nagpadala ng limang water tankers para makatulong sa pag-apula sa sunog.

Giit ng Maynilad, ang sabay-sabay na pagkuha ng tubig sa mga fire hydrants sa lugar ang dahilan ng “artificial dip” sa water pressure.

Inutusan umano ng Maynilad ang mga bumbero na sa ibang lugar kumuha ng tubig na siguradong kumonsumo ng karagdagang oras. Merly Iral