Maid in Malacañang ‘di historical revisionism kundi “historical rectification” – Yap

Maid in Malacañang ‘di historical revisionism kundi “historical rectification” – Yap

March 1, 2023 @ 9:41 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit ni Darryl Yap, direktor ng mga kontrobersyal na pelikulang “Maid in Malacañang” at “Martyr or Murderer” na ang kanyang mga pelikula ay hindi isang uri ng historical revisionism kundi “historical rectification.”

“Lagi nilang sinasabi na may historical revisionism. I always correct them when I say it’s historical rectification,” ani Yap sa interbyu sa CNN Philippines.

Ang “Martyr or Murderer” ay tungkol sa kwento ng pamilya Marcos bago at pagkatapos ng People Power Revolution at ang kanilang pananaw sa pagpatay kay dating Senador Ninoy Aquino. Sa kanyang mga nakaraang panayam, sinabi ni Yap na umiikot ang pelikula sa “pinakabigat na akusasyon” laban sa mga Marcos.

Ang “Maid in Malacañang” ay nagdulot ng backlash mula sa mga biktima ng martial law, academe, at mga organisasyong lumaban sa diktadura ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

“Alam mo, hindi ako political analyst, I’m a director, a writer. Kaya sinulat ko na lang yung nangyari sa pamilya Marcos,” paliwanag niya.

Tinanong kung kumonsulta siya sa mga mananalaysay at mananaliksik para sa “Martyr or Murderer,” sinabi ni Yap na mayroon siyang 30-man research team, ang ilan ay mula sa Morocco at Boston at ang iba ay “non-Marcos supporters.”

Ipinaliwanag din niya na ang pelikula ay batay sa pananaw nina Sen. Imee Marcos at dating unang ginang na si Imelda Marcos, at hindi niya nakikitang diktador ang yumaong Pangulong Marcos.

“Para po sa akin, noong binabasa ko lahat ng script, napakahirap paniwalaan na diktador siya. I don’t see him as a dictator, I just see him as a very, very stiff leader,” paliwanag niya.

Sa panahon ng martial law, mahigit 11,000 katao ang naging biktima ng summary execution, torture, at iba pang paglabag sa karapatang pantao, ayon sa Human Rights Victims Reparation and Recognition Act.

Tinataya ng Amnesty International na 70,000 katao ang nakulong at 34,000 ang pinahirapan noong batas militar.

Hinikayat ni Yap ang mga Pilipino na panoorin ang lahat ng mga pelikula tungkol sa 1986 People Power Revolution na itatampok sa mga sinehan ngayong Marso. RNT