Main office ng Smart ipinasasara ng Makati LGU sa kawalan ng permit

Main office ng Smart ipinasasara ng Makati LGU sa kawalan ng permit

February 27, 2023 @ 1:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipinasasara ng pamahalaang lungsod ng Makati ang main office ng Smart Communications, Inc., dahil sa pag-operate nang walang business permit mula pa noong 2019.

Sa pahayag ng lungsod ng Makati, hindi pa nakabayad o nakakuha ng anumang suporta mula sa Korte ang Smart para sa franchise tax deficiency nito na nagkakahalaga ng higit P3.2 bilyon na naipon mula Enero 2012 hanggang Disyembre 2015.

Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, labag sa batas ang pag-operate nang walang valid business permit sa lungsod.

Nilinaw din nito na hindi ito katanggap-tanggap at hindi kukunsintihin ng pamahalaang lungsod, malaki man o maliit na kumpanya ang sangkot dito.

Sa inisyung order of desistance o closure na may petsang Pebrero 23, 2023, nakasaad na ang Smart headquarters na nasa 6799 Ayala Avenue sa Barangay San Lorenzo ay lumabag sa Section 4A.01 ng Revised Makati Revenue Code o City Ordinance No. 2004-A-025.

Nakasaad sa kautusan na agad na itigil ng naturang kumpanya ang operasyon nito hanggang sa makapag-comply ito sa ordinansa.

Batay sa isang pagsusuri ng Office of the City Treasurer na isinagawa noong 2016, umabot sa mahigit P3.2 bilyong franchise tax ang pagkakautang ng nasabing kompanya sa lungsod sa loob ng apat na taon.

Sinabi pa ni Atty. Certeza na pinagsumite ang Smart ng breakdown ng revenues at business taxes na binayaran ng branch offices nito sa buong Pilipinas, ngunit tumanggi itong iprisinta ang nasabing mga dokumento.

Noong 2018, naghain ang Smart ng petition for review sa Makati Regional Trial Court Branch 133 upang ipawalang-bisa ang Notice of Assessment ng Office of the City Treasurer, kung saan nakasaad na bigong magbayad ng franchise tax ang telecommunications giant.

Habang nililitis ang kaso, nagfile ng motion for production and inspection of documents ang City Government of Makati, na inaprubahan ng korte.

Ngunit noong Mayo 31, 2019, naghain ang Smart ng comment/opposition laban sa mosyon ng Makati at hinamon ang desisyon ng korte sa Court of Tax Appeals (CTA).

Noong 2022, ibinasura ng CTA ang petisyon ng Smart at sinusugan ang desisyon ng Makati RTC Branch 155.

Iginiit nito na walang hurisdiksyon ang Makati na i-audit ang financial statements at operations ng ibang branches nito sa buong bansa at sapat na ang isinumiteng records ng operations nito sa loob ng lungsod at nakapagbayad na ito ng kaukulang mga buwis sa lungsod.

Kinontra ito ng CTA at kinumpirmang may kapangyarihan ang lungsod na imbistigahan ang kabuuang operations ng Smart batay na rin sa Local Government Code.

Pinaalalahanan naman ni Mayora Abby Binay ang lahat ng mga negosyo sa Makati na sumunod sa batas at kumuha ng kaukulang permits bago mag-operate sa lungsod.

Ayon kay Binay pursigido siyang masunod ang pinakamataas na quality and safety standards para sa mga negosyong nag-ooperate sa lungsod.

Nitong nakaraang taon, umabot sa 191 business establishments ang ipinasara ng Business Permits and Licensing Office ng lungsod dahil sa kawalan ng business permit. James I. Catapusan