Maintenance sa air traffic equipment ipagawa sa third party provider – Poe

Maintenance sa air traffic equipment ipagawa sa third party provider – Poe

January 13, 2023 @ 6:38 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Grace Poe sa airport authorities na kumalap ng third party provider na regular na magsusuri at magmementeni ng air traffic equipment upang maiwasan ang katulad na pangyayari na nagpalumpo sa pangunahing paliparan sa bansa nitong bagong taon.

Sa ginanap na pagdinig nitong Huwebes ng Senate committee on public services na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Poe na dapat mayroong regular audit sa kagamitan ng mga eksperto at may kakayahang indibiduwal dahil nakasalalay dito ang kaligtasan at kumbenyente ng pasahero.

“Parents can look at their children and determine if they’re sick, but there’s also a regular time when you visit the pediatrician for a regular check. Necessarily, our airport equipment must also also undergo regular checks,” aniya.

Sinabi ni Poe na may kakayahan ang Civil Aeronautics Authority of the Philippines (CAAP) upang kumalap ng serbisyo ng kuwalipikadong maintenance provider at dapat hindi magsayang oras para hindi mailagay sa panganib ang kaligtasan ng pasahero.

Sa kanyang pagtatanong, natuklasan ni Poe na nagtapos ang kontrata ng Sumitomo Corporation at Thales Australia Ltd.. para sa maintenance at upgrade ng air traffic equipment at power supply system nitong 2020.

Simula noon, ayon kay CAAP Director General Captain Manuel Tamayo na isinasagawa ang pagmementeni ng air traffic system ng sanay at kuwalipikadong tauhan.

Sinang-ayunan naman ni Atty Lloyd Chardwick Lim, consultant ng Sumitomo, ang pananaw ni Tamayo na idinagdag na mas makabubuti ang third party.

Kinuwestiyon din ni Poe ang P511 milyong halaga ng air traffic management system na inilagay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na nabubulok sa lugar.

Isinisisi ng awtoridad sa technical issues ang nangyaring sigalot sa NAIA air traffic system na nagpahirap sa mahigit 65,000 pasahero sa buong bansa.

Sanhi ng pagkansela ng flights, nagresulta ito ng domino effect kaya’t napilitan ang mga pasahero na ipagpaliban ang biyahe, dumaan sa alternatibong ruta o kanselahin ng tuluyan ang kanilang biyahe.

“We cannot overlook the impact of this incident. The domino effect is massive and chaotic. Hindi ko na iisa-isahin pa. I’m sure our airport officials and air carriers have heard enough,” ani Poe.

“Knowing what and why it happened and seeking accountability is to our best interest. But at the end of the day, our goal is to make sure that this will not happen again – not only by upgrading the system or replacing the equipment but also making sure that the institutions running these are empowered and capacitated,” giit pa ng Senador. Ernie Reyes