Makakalaban ng Gilas sa 2022 FIBA Asia Cup malalaman na

Makakalaban ng Gilas sa 2022 FIBA Asia Cup malalaman na

November 25, 2021 @ 1:14 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Malalaman na ng Gilas Pilipinas kung anong bansa ang kanilang makasasagupa sa 2022 FIBA Asia Cup sa pagpasok ng Disyembre.

Isa sa 16 teams na nakapasok para sa regional competition, makikita na ng Gilas kung ano ang kahihinatnan ng kanilang kampanya sa group stages sa gagawing bunutan sa December 8.

Kinumpirma na rin ang bagong schedule para sa Asia tournament at ito ay magaganap sa July 12 hanggang 24, 2022, halos isang taon na delay  mula sa orihinal na schedule nito na August 2021.

Ang mga team na pwedeng makagrupo ng Gilas ay ang regional rival na  South Korea, hosts Indonesia, Chinese Taipei, Asia powerhouse Japan, at Iran.

Kasama rin sa 16 teams na qualified ang defending champions Australia, Bahrain, China, India, Jordan, Kazakhstan, Lebanon, New Zealand, Saudi Arabia at Syria.

Target ng Gilas na magdagdag ng limang gintong medalya para sa torneo at tapusin ang 36-year na pagka-uhaw sa kampeonato ng bansa.

Huling naging kampeon ang Pilipinas sa FIBA Asia Cup noong 1985 edition sa Kuala Lumpur.JC