Makapal na langis namataan ng PCG sa pinaglubugan ng oil tanker

Makapal na langis namataan ng PCG sa pinaglubugan ng oil tanker

March 2, 2023 @ 11:22 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakakita na ng maitim at makapal na langis sa bahagi kung saan lumubog ang motor tanker at may sakay na industrialized fuel oil sa Oriental Mindoro, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ito ay ayon na rin sa ulat na natanggap ng PCG mula sa ground commander.

“The presence and possible source of the oil spill (black and thick with strong odor) at the vicinity waters 7.4 nautical miles southwest off Balingawan Point, Naujan, Oriental Mindoro,” ayon sa pagkumpirma ng PCG sa kanilang Facebook page.

“The Marine Environmental Protection Unit has observed a black and thick oil on the collected water samples,” ayon pa sa PCG.

Sinabi ni Balilo na sakay ng MT Princess Empress ang 800,000 litro ng industrialised fuel oil nang ito ay lumubog.

Ani Balilo, hindi nakalagay sa selyadong sisidlan o container ang mga langis pero naisakay sa loob ng motor tanker.

Sa paglubog ng barko, sinabi ng PCG na maaring maapektuhan nito ang integridad ng istraktura at maaring magkaroon ng butas at ang langis na laman nito ay posibleng bumulwak din dahil sa pressure.

Sa naunang imbestigasyon, lumubog ang barko matapos na mag-overheat ang makina at makaranas ng aberya sa gitna ng masamang panahon at malalaking alon.

Bumuo naman ng task force ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang masiguro ang marine protected areas na posibleng maapektuhan ng oil spill. Jocelyn Tabangcura-Domenden