MAKAPIPILI NG KAIBIGAN PERO HINDI NG KAMAG-ANAK

MAKAPIPILI NG KAIBIGAN PERO HINDI NG KAMAG-ANAK

November 4, 2022 @ 1:28 AM 3 weeks ago


MAY kasabihan ang mga matatanda na kung ano raw ang puno ay siyang bunga pero sa makabagong panahon, hindi na ito binabanggit pa dahil mas marami ang naniniwala na hindi dapat isisi sa anak kung ano man ang nagawang kasalanan ng ama.

Patunay na rito ang pagkakaluklok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na sa kabila ng iginigiit ng kanilang mga nakalaban sa pulitika kaugnay sa nagawa umanong kasalanan ng kanyang ama sa bayan, landslide pa rin ang kanyang naging panalo na nangangahulugan lamang na mas marami ang naniniwalang hindi dapat isisi sa anak kung ano man ang nagawang kasalanan ng ama.

Ganito rin dapat ang maging pagturing ng marami sa nangyari namang pagkadakip sa anak ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na si Juanito Jose Diaz Remulla III dahil sa pag-iingat ng mahigit P1 milyong halaga ng marijuana.

Dapat lang na tigilan na ang pagbatikos sa kalihim sapagkat nasa hustong gulang na ang kanyang anak at may sarili na itong pagpapasya. Nasa kultura nating mga Pinoy ang labis na pagiging malapit sa ating pamilya kung kaya’t kahit kasalanan ng anak ay magulang ang bumabalikat.

Hindi lang naman anak niRemulla ang nasangkot sa hindi kanais-nais na gawain pero dahil politiko ang puno, nabigyan ng pansin ng publiko ang katayuan nila sa buhay.

Ipinaubaya na ni Remulla sa hukuman ang paglitis sa anak at tiniyak na hindi siya gagamit ng impluwensiya.

Ang isa pa nga palang nasabit sa hindi kanais-nais na pag-uugali ay ang anak ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo Teves, Jr. na si Board Member Kurt Matthew Teves na nakuhanan ng video at nag-viral sa social media ang ginawang pananakit sa isang security guard ng isang subdivision sa Paranaque City.

Humingi naman ng paumanhin at nag-public apology ang batang Teves, kasabay nang pagbibitiw pa nga bilang board member ng kanilang lalawigan kahit pa nga sabihing ipinagtanggol siya ng kanyang ama.

Ang pinaka-latest naman ay ang pagkakasangkot ng pinsan ni Caloocan City Mayor Along Malapitan sa pananagasa sa paa ng isang traffic enforcer ng Land Transportation Office na sumita sa kanya dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa EDSA Busway kamakailan.

Bagama’t hindi naman talaga dapat isisi sa alkalde o maging sa kanyang amang si Rep.Oscar “Oca” Malapitan ang ginawang kasalanan ng kanilang kaanak, hindi rin puwedeng hindi mabanggit ang kanilang pangalan dahil kilala silang mag-ama bilang magagaling na public servant.

May kasabihan nga na makakapili ka raw ng iyong mga kaibigan pero hindi ka makakapili ng gusto mong maging kamag-anak.