MAKATAONG PAMAMALAKAD NI GEN. NEMEÑO

MAKATAONG PAMAMALAKAD NI GEN. NEMEÑO

January 3, 2023 @ 11:30 AM 1 month ago


MATAPOS maiupo bilang Bureau of Jail Management and Penology- National Capital Region director, kaagad na ipinalinis ni J/Chief Supt. Efren A.Nemeño ang lahat ng piitan na kanyang nasasakupan sa Metro Manila.

O di ba Kuyang Fred Salcedo at Kapatid na Jan Sinocruz, maliban sa pisikal na kalinisan sa mga piitan matapos ianunsiyo ni BJMP chief Dir. Gen. Allan Iran ang lifting ng lockdown sa mga piitan noong Nobyembre, 2022, kaagad ding nag-utos ng sunod-sunod na ‘Oplan Grayhound’ si Nemeño upang makasiguro na walang mga iligal na bagay ang nasa mga piitang nasa ilalim ng kanyang pamunuan.

Naging mahigpit man sa pamamalakad sa kanyang mga tauhan si Nemeño dahil ayaw nitong magkabulilyaso, hindi naman siya kinaiinisan ng kanyang mga nasasakupan sapagkat nakita nilang makatwiran at makatao ang pamamalakad ng kanilang director.

Hindi lang sa kanyang mga tauhan makikita ang pagiging makatao ng bagong hepe ng BJMP-NCR dahil maging sa persons deprived of liberty ay pinaiiral niya ang ‘humanitarian reason’.

Pinayagan ni Nemeño na madalaw ang PDLs ng kanilang pamilya at mga mahal sa buhay at makausap ang mga ito ng harapan o face to face subalit kailangang ang mga dadalaw ay may vaccination ID card, booster dose card at iba pang pagkakakilanlan na sila ay kamag-anak ng PDL na kanilang dinadalaw.

Siyempre, dahil makatao si Nemeño, hindi rin problema sa kanya ang conjugal visit sa mga kulungan sa Metro Manila, kaya lang kailangang ihiwalay ang mga ito sa loob ng piitan. Bukod pa ito sa kailangang magpakita rin ng marriage certificate ang dalaw na siya ang asawa ng PDL na kanyang dinadalaw.

At masasabi pang makatao talaga ang BJMP-NCR director dahil payag din siyang magpapasok sa piitan ng mga mahal sa buhay o matagal nang kinakasama ng PDL basta may katibayan lang ang mga ito na matagal na silang nagsasama tulad ng sertipikasyon mula sa barangay.

Posibleng masabi na masyadong maluwag si Nemeño sa kanyang pamumuno sa mga piitan sa Metro Manila subalit hindi naman siya pabayang opisyal dahil ipinagbilin o ipinag-utos niya sa mga warden ng kanyang nasasakupan na doblehin o triplehin ang pagpapatupad ng seguridad sa kanilang mga kulungan.

Masaya ang mga PDL sa pamamalakad ni Nemeño sapagkat nakita nila na bagaman mahigpit ito sa pagpapatupad ng mga dapat at hindi dapat sa kulungan ay binibigyang halaga nito ang kanilang nararamdaman bilang tao.