Makati ipinagdiwang ang ika-351 anibersaryo

Makati ipinagdiwang ang ika-351 anibersaryo

June 3, 2021 @ 11:30 AM 2 years ago


Manila, Philippines – Pinangunahan ni Makati City Mayor Abby Binay ang virtual celebration ng ika-351 anibersaryo ng lungsod sa pamamagitan ng broadcast live sa My Makati Facebook page na ginanap sa University of Makati football field.

Sinabi ni Binay na ang tema ngayong taon na “Hawak Kamay” na ang layunin ay makapagpadala ng mensahe ng pag-asa sa lahat ng Makatizens at mabigyan din ng karangalan ang sakripisyo ng mga medical frontliner gayundin ang essential workers na sumumpa sa kanilang tungkulin na magsilbi kahit pa sa panahon ng pandemya.

Ipinaliwanag ni Binay na kahit pa hindi pinahihintulutan sa safety protocols ang paghahawak ng kamay, ang mga opisyal at mga taong nagsisilbi sa lungsod ay iisa ang hangarin na patuloy sa pagsisilbi sa Makatizens.

“For over a year now, we have managed to deliver vital services to our constituents because of the tireless dedication and selfless courage of our frontliners in the city government as well as in the private sector,” (Sa mahigit isang taon na nakararaan, naipagkaloob namin ang mahalagang pagseserbisyo sa aming mga konstituwente dahil sa walang kapagurang dedikasyon at tapang ng ating mga frontliner sa lokal na pamahalaan gayundin sa pribadong sektor) ani Binay.

Pinasalamatan din ni Binay ang mga residente ng lungsod sa kanilang ipinakitang suporta sa inisyatibo ng lungsod sa pakikipaglaban sa COVID-19 kabilang ang mass vaccination program at Bakuna Makati.

Sa kasalukuyan, ang lokal na pamahalaan ay nakapagbakuna na sa mahigit 50,000 residente na napapabilang sa grupo na nasa prayoridad tulad ng medical frontliners, senior citizens, persons with comorbidities at iba pa.

Bukod sa Makati Coliseum at iba pang ginawang vaccination sites sa iba’t ibang eskwelahan at barangay, binuksan na rin ng lokal na pamahalaan ang Vax OTG (on-the-go), ang pinakaunang drive-thru vaccination site sa lungsod na matatagpuan sa Circuit Makati grounds. James I. Catapusan