Makati isa sa pinakaligtas na lungsod na pwedeng bisitahin ng turista sa Pinas

Makati isa sa pinakaligtas na lungsod na pwedeng bisitahin ng turista sa Pinas

October 18, 2022 @ 10:59 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinilala ng isang travel website ang Makati City bilang isa sa sampung pinakaligtas na lungsod sa bansa na maaaring bisitahin ng mga turista.

Sinabi din sa website na ang lungsod ay may mababang crime index na 39.55 na kapareho sa mga naitala ng mga siyudad ng Dumaguete at Iloilo mula zero sa pinakamababa hanggang 100 na pinakamataas.

Bukod sa pagdedeklara sa Makati bilang isa sa pinakaligtas na lugar sa Pilipinas ay hinihikayat din ang mga turista na bisitahin ang kanilang iba pang magagandang lugar sa lungsod.

“It has features similar to New York, like the Ayala Triangle Gardens, which is an open park in the middle of three bustling streets. You will also find plenty of museums, shopping opportunities, pubs, restaurants, bars, and more,” ayon pa sa website ng Travel Safe-Abroad.com.

Nito lamang Oktubre 10 ay kinilala rin ng Southern Police District (SPD) Makati City Police Station (CPS) sa pangunguna nito sa iba pang departamento ng pulisya pagdating sa unit performance evaluation sa buwan ng Setyembre kung saan nakakuha ito ng 92.78 porsiyento sa pagpapatupad ng programa ng PNP.

Sa pagkilala sa Makati CPS ay nagpasalamat naman si Makati City Mayor Abby Binay sa SPD kasabay ng pagpuri sa lokal na kapulisan dahil sa kanilang dedikasyon sa pagtugon ng kanuilang mga tungkulin.

Ang iba pang lungsod na kabilang sa listahan ng may pinakaligtas na bisitahing lungsod sa naturang website ay ang mga lungsod ng Davao, Bohol, Baguio, Dumaguete, Iloilo, La Union, Palawan, Tagaytay at Valenzuela City. James I. Catapusan