Makati Life 24/7 primary care clinic sa lungsod malapit nang buksan!

Makati Life 24/7 primary care clinic sa lungsod malapit nang buksan!

December 14, 2022 @ 8:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kasabay ng kanyang kaarawan ay nagsagawa ng ocular inspection nitong Lunes si Makati City Mayor Abby Binay sa bagong Makati Life Medical Center bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng primary care services ng ospital.

Sinabi ni Binay na nais niyang makita ang lagay ng konstruksyon at mga preparasyon sa Makati Life Medical Center na matatagpuan sa Malugay Street, Bgy. Bel-Air.

Ayon kay Binay, kanyang itinuturing na isang malaking milestone ang pagbubukas ng 24/7 primary care clinic na maghahatid ng moderno, abot-kaya at abot-kamay na healthcare services sa taumbayan.

Ang Makati Life Medical Center ang ikalawang ospital sa lungsod na magbibigay ng libreng serbisyo sa mga Yellow Card holders.

Ang state-of-the-art facility ay may 360 beds at 190 doctor’s clinics.

Ito ay Level 2 hospital na may multiple specialty centers na gumagamit ng advanced medical technology at modernong pasilidad na nakatuon sa prevention, treatment at rehabilitation services.

Ani pa ni Binay, nakatakdang maging operational ang 24/7 primary care clinic ng Makati Life sa unang bahagi ng susunod na taon kung saan maipagkakaloob sa mga residente dito ang kumpletong primary care services, kabilang ang preventive health screenings, diagnosis and treatment of common medical conditions, laboratory tests, RT-PCR tests, nutrition consultations, 24/7 pharmacy services, at marami pang iba.

Inaasahan ng alkalde na magiging game-changer ang ospital sa larangan ng health care sa lungsod, dahil makapagbibigay ito ng mataas na kalidad ng medical care sa mga ordinaryong mamamayan at mga kapus-palad.

Binigyang-diin ni Mayora Abby ang adhikain ng pamahalaang lungsod na gawing mas accessible sa Makatizens ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.

Dagdag pa ni Binay na tiwala siyang magiging matibay na haligi ang Makati Life Medical Center sa katuparan ng pinapangarap na efficient, inclusive, at patient-centered healthcare system na maglilingkod sa lahat ng Makatizens.

Ang Makati Life Medical Center ay isang public-private partnership joint venture sa pagitan ng Life Nurture Incorporated at ng Pamahalaang Lungsod ng Makati.

Magiging mas accessible ang P9.77 Bilyong ospital para sa mga kawani ng City Hall at mga residente ng unang distrito.

Noong Hulyo, itinanghal ang Makati Life project bilang Public-Private Healthcare Partnership of the Year sa Healthcare Asia Awards. James I. Catapusan