MAKINIG TAYO 

MAKINIG TAYO 

September 12, 2022 @ 4:52 PM 2 weeks ago


ANDAMI na namang sumabog na baho ng korapsyon nitong nakaraang linggo.   Di pa nga tapos ang mga isyu ng smuggling at hoarding ng asukal at sibuyas  ang pagbili ng sobrang mahal na laptop ng DepEd, eto na naman ang mistulang ma-anomalya ring pagbili ng mga traktora ng Dept. of Agriculture.

Pero hindi ko muna uubusin ang espasyo ng kolum ko sa mga isyung iyan. Sa susunod na lang ang usaping yan.  Ito na muna  ang gusto kong pansinin natin,  ang Season of Creation o Panahon ng Sangnilikha, mula Sept. 1 hanggang Oct. 4, 2022.   Sa pangunguna ng Simbahang Katolika, ang panahong ito ay ipinagbubunyi ang kagandahan ng kalikasan at likas-yaman na nilikha ng Diyos.

Selebrasyon ito na paalala sa ating obligasyon na pangalagaan at gamitin ng wasto ang mga yaman na nagbibigay ng buhay at kabuhayan sa ating lahat, at nagpapasigla sa mundo.

Ang pagdiriwang ng Season of Creation ay inspirado ng “Laudato Si”, ang napakagandang sinulat ni Pope Francis na pag-aaral at rekomendasyon nya para tugunan ang climate change o nagbabagong klima.

Kasi nga naman, pag hindi natin inaalagaan at ginamit ng wasto ang kalikasan, maaring ito ay maubos, masira o tuluyan ng mawala.   At hindi lamang ang mga tao ang mahihirapan, baka nga buong planeta pa.

Sabi nga ng mga environmentalists – “kailangan ng tao ang kalikasan, pero ang kalikasan, hindi kailangan ang mga tao!”

Binanggit ng kaibigan kong pari na ang tema daw ngayong 2022 ay “Makinig sa boses ng Sangnilikha” o Listen to the Voice of Creation. 

Sumisigaw at umiiyak na nga sa galit si Inang Kalikasan, sa lakas ng mga bagyo, unos, baha at daluyong na pinadala n’ya.   At paramdam n’ya sa atin ang tindi ng mga tag-init, tagtuyot at taglamig na nararanasan ng maraming mga bansa.

Sana nga makinig na tayo!