MAKITID AT KULANG

MAKITID AT KULANG

March 3, 2023 @ 1:23 AM 3 weeks ago


HINDI ako sang-ayon sa gustong mangyari ni Senador Robin Padilla at ilan pang mga senador na ipagbawal o i-‘ban’ ang pagpapalabas ng pelikulang “Plane” sa Pilipinas dahil daw maling mensahe ang ipinakita nito sa buong mundo.

Aniya, nagmumukhang walang batas sa isang isla sa Mindanao na kontrolado ng mga bandidong Muslim at mistulang iniwan ng gobyerno ang mga nakatira sa lugar base sa pelikula.

Ito namang Movie and Television Review and Classification Board ay sinuportahan ang pagbabawal o ang pagpapalabas ng pelikula. Sa palagay ko wala naman nilabag na batas ang mga producer, direktor at mga artista.

‘Di ba ang pagbibigay lang ng “rating ” o gabay sa mga manonood ang kapangyarihan ng MTRCB? Wala sa listahan ng mga katungkulan ng MTRCB ang mag-‘censor’ ng mga palabas sa telebisyon at sa sinehan.

Baluktot at napakababaw na rason naman na ang basehan ng pagbabawal sa “Plane” ay parang hinihiya nito ang pamahalaan at baka mabawasan daw ang mga turista at mga mamumuhunan dito sa Pilipinas.

Ang pumipigil sa mga turista na pumunta sa Pilipinas ay ‘yung insidente nang pagpatay sa isang turistang galing sa New Zealand. At ‘yung pagnanakaw sa loob ng airport ng mga security personnel mismo. At ‘yung hirap makakuha ng taksi pagdating mo sa Paliparan, o ang sobrang trapik sa ka-Maynilaan.

Ang ilang mga negosyante ay hindi dadalhin dito ang puhunan nila dahil sa talamak ang lagayan o padulas sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

Nariyan pa ang sobrang mahal ng kuryente, matindi ang trapik at mabagal na internet. At yung mga kidnapping at mga nakawan at mga krimen na hindi agad nalulutas.

Korapsyon, krimen at kakulangan sa imprastraktura ang mga dahilan kaya hirap makumbinsi ng mga mamumuhunan na pumunta sa Pilipinas.

Kaya hindi po pag-ban sa isang pelikula ang makaka-solve ng malalaking isyu ng turismo at investment. Eh ano ngayon kung i-ban dito sa Pilipinas, eh mapapanood naman nila ito sa ibang bansa, kaya wala ring silbi yong pagbabawal dito sa Pilipinas.

Nagpakita lang ito kung gaano kakitid at kulang ang ating kaisipan at pagsusuri.