Mala-children’s party na vax site, ikakasa sa Muntinlupa panghikayat sa 5-11 anyos

Mala-children’s party na vax site, ikakasa sa Muntinlupa panghikayat sa 5-11 anyos

February 3, 2022 @ 10:52 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Upang maging kaaya-aya sa mga batang nasa edad na 5 hanggang 11 taong gulang ay dinekorasyunan ng mala-children’s party ang vaccination site kung saan babakunahan ang mga ito na nakatakda sa Pebrero 7.

 

Sinabi ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, dalawang vaccination sites sa lungsod na kinabibilangan ng Laguerta Health Center sa Barangay Tunasan at Ospital ng Muntinlupa (OsMun) sa Barangay Alabang ang may mga dekorasyon ng pambata na tiyak na maka-eengganyo sa mga kabataan.

 

Ayon kay Fresnedi na ang naturang aksyon ay isang stratehiya ng lokal na pamahalaan upang mahikayat at mas madaling makumbinsi ang mga nabanggit na kabataan na magpabakuna.

 

Napag-alaman din kay Fresnedi na ang target population sa naturang age group na mabakunahan ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine sa lungsod ay nasa 68,000.

 

Dagdag pa ni Fresnedi, nang magsimula ang pandemya coronavirus disease o COVID-19 sa lungsod noong 2020 ay umabot na sa 1,377 kabataan sa nabanggit age group ang nagpositibo sa nabanggit na virus.

 

Sinabi naman ni Muntinlupa City Health Office (CHO) chief Dr. Juancho Bunyi, simula noong Pebrero 1 ay umabot na sa 10,047 kabataan sa naturang age group ang nairehistro na para sa gagawing baksinasyon sa lungsod.

 

Sa kabuuang bilang ng mga nagparehistrong kabataan ay 1,076 o 11 porsiyento ang napag-alamang may mga comorbidities habang ang natitirang 8,971 o 89 porsiyento ang mga normal na kabataan na walang comorbidities.

 

Maaari pang magparehistro sa online ang mga residente sa pamamagitan ng COVID-19 vaccination registration system ng lungsod na www.vaccine.muntinlupacity.gov.ph/muncovac. James I. Catapusan