Malabon LGU tiniyak na may mananagot sa gumuhong gusali

Malabon LGU tiniyak na may mananagot sa gumuhong gusali

December 5, 2022 @ 4:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tututukan umano at titiyaking may mananagot ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pagguho ng apat na palapag na gusali sa siyudad na ikinasugat ng tatlo.

Ito ay matapos lumutang ang impormasyon na nakatayo ito sa dating sapa na tinambakan lamang ng lupa at basura.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Rob Tombocon, Francisco Catindoy at Ronalyn Tombocon, na huling nailigtas at iniulat na naipit sa gumuhong gusali.

Nabatid sa Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na gumuho ang nasabing residential building sa Orchid St., Barangay Longos, ng lungsod, 6:30 a.m. ng Linggo, Disyembre 4 at dalawang pamilya ang kaagad naapektuhan.

Inabot ng limang oras bago tuluyang nailigtas ang mga biktima, at kinalaunan ay umabot sa pito ang apektadong pamilya, ngunit maliban dito ay 14 na pamilyang nasa paligid ng gusali ang kinailangang ilikas.

Ayon sa impormasyong nakalap, apat hanggang limang taon pa lamang na nakatayo ang nasabing residential building na pag-aari ng isang Ariel Morada, at isinangla sa halagang P400,000.

Nauna nang sinabi ng DRRMO na may posibilidad na gumuho ang nasabing gusali dahil mahina ang pundasyon nito. Merly Iral