MALABON POLICE ‘GOOD DEEDS’

MALABON POLICE ‘GOOD DEEDS’

July 26, 2022 @ 7:39 PM 2 weeks ago


DUMARAAN, lumilipas ang mga araw, hindi natin alintana na sa bawa’t segundo, minuto at oras, may nangyayaring pagbabago sa kalawakan, mundo at sa ating sarili na hindi napapansin pero malalaman sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw.

Bilang reporter na nagsimula noong dekada 80, isang gabi kamakailan habang binabasa ko ang mga naitago kong dyario, nanumbalik sa akin ang kahapon ng aking coverages sa police beat, partikular sa Camp Crame.

Sa mahigit 100 story clippings na aking nabasa, walang ibang istorya na aking natunghayan kundi puro crime reports, maliban sa iilang kuwento ng kabayanihan ng mga pulis sa pagharap sa kanilang tungkulin bilang awtoridad.

Noon, nakasentro ang trabaho ng kapulisan sa pagpapatrolya sa komunidad, panghuhuli ng mga nagkasala sa batas tulad ng paghabol sa mga killer, holdaper, rapist, snatcher at iba pang ‘halang ang kaluluwang’ indibidwal.

Ngayon, nariyan pa rin ang patrol cars para mapanatili ang katahimikan at kaayusan, ganoon din ay patuloy ang pakikipaglaban ng alagad ng batas sa mga ‘halang ang kaluluwa’ napatuloy na naghahasik ng lagim sa lipunan.

Tulad ng maraming pagbabago sa mundo, ang kapulisan ay nag-evolve na rin – mula sa crime fighting mode, ang Philippine National Police ay nakikilala na sa tawag na gawaing PNP ‘Good Deeds’.

Sa Malabon City Police, ang kapulisan dito ay ilang beses nang nabigyan ng parangal dahil sa mga ‘good deed’ na nagawa sa pamamagitan ng hindi inaasahang tulong na naigawad sa mamamayan.

Pulis na inaalalayan ang isang matanda habang tumatawid sa kalye, isang babae na nanganak sa kalsada tinulungan ng policewoman at isang pulubi pinapakain ng pulis ay ilan lang sa ‘good deeds’ ng Malabon City Police.

Dahil nga sa dami ng ‘good deeds’ ng Malabon City Police, ito’y naglalarawan ng dedikasyon at kagalingan sa trabaho ng mga pulis ng nasabing lungsod sa pangunguna, siyempre, ni Malabon City Police chief Col. Albert Barot.

Kudos sa lahat ng opisyales at mga miyembro ng Malabon City Police.
Ipagpatuloy n’yo lang ang inyong pagiging ‘good deeds’ servants sa mga nanganga-ilangan.