Manila, Philippines – Nagbigay na ng direktiba ang palasyo ng Malacañang kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera na agad na ipatupad ang suspension order na ibinagay ng Office of the Ombudsman laban sa apat na opisyal ng ahensiya.
Sa inilabas na memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ipinag-utos na ipatupad na ang inilabas na desisyon ng Ombudsman noong May 18 na suspendihin ng tatlong buwan sina ERC Commissioners Alfredo Non, Gloria Victoria Yap-Taruc, Josefina Patricia Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Ana dahil sa neglect of duty.
Ayon sa counsel ng apat na ERC officials na si Rolando Faller, hindi pa nila nakukuha ang memo.
Nauna nang binanggit ni faller na handang sumunod ang mga sangkot na opisyal sa oras na maibigay sa kanila ang direktiba mula sa Palasyo.
Ang reklamo laban sa apat na ERC officials at sa Manila Electric Company (Meralco) ay inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (NASECORE) dahil sa hindi otorisadong paggamit ng consumers’ bill deposits at iba pang reklamo. (Remate News Team)