Malacañang nagpaalala sa ligtas na Pasko vs COVID

Malacañang nagpaalala sa ligtas na Pasko vs COVID

December 24, 2022 @ 4:02 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Malacañang nitong Sabado, Disyembre 24, isang araw bago ang Pasko na maging alerto at maingat ang publiko sa mga selebrasyon at pagtitipon upang maiwasan pa rin ang hawaan sa COVID-19.

Sa isang mensahe, sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na patuloy pa ring sundin ng publiko ang umiiral na health protocols sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“Ngayong Pasko, alalahanin ang kaligtasan ng ating sarili, pamilya, at mga kaibigan sa patuloy na paglaban natin sa COVID-19,” ayon sa pahayag ng OPS.

“Bagamat maluwag na ang restrictions para sa mga pagtitipon, malaki pa rin ang maitutulong ng pagsunod sa health protocols para maipagdiwang ang Pasko at bagong taon nang may mabuting kalusugan,” dagdag pa nito.

Nagpaalala rin ito na ipagpatuloy pa rin ang pagsusuot ng face masks, pananatili ng proper hand hygiene at social distancing.

Kailangan din na maayos ang daluyan ng hangin upang hindi kumalat ang virus kung mayroon mang may taglay nito.

“Siguruhin din na bakunado para sa mas ligtas na pagsasama-sama ngayong Pasko,” ayon pa sa Malacañang. RNT