Malaimpyernong sunog sa Mandaue, sinadya?

Malaimpyernong sunog sa Mandaue, sinadya?

November 24, 2022 @ 10:23 AM 4 days ago


CEBU CITY- Nakasinding lampara ang pinagmulan ng sunog na ikinatupok ng 250 bahay na pinaniniwalaan sinadya umano ang sunog ng may-ari ng bahay kamakalawa sa Barangay Looc, Mandaue City.

Mariin naman itinanggi ni Reynaldo Devilleres, may-ari ng bahay na pinagmulan ng sunog na sinadya niya ang pangyayari at sinabing nasagi lamang niya ang lampara habang siya ay natutulog sa kanyang silid bandang 11:45 PM.

Aniya, umuwi siyang lasing sa kanyang bahay at nakalimutan niyang patayin ang lampara hanggang sa siya ay nakatulog.

Dagdag pa nito, na nagising na lamang siya ng makita ang malaking apoy sa kanyang silid hanggang sa tumalon na lamang siya sa bintana at nagtamo ito ng sunog sa kanyang braso.

Nabatid, na walang kuryente ang bahay ni Devilleres at gumagamit lamang ito ng lampara na siyang nagsisilbing liwanag sa gabi sa loob ng kanyang bahay.

Sa salaysay naman ng kapitbahay sa awtoridad na nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Devilleres.

Ayon kay SFO1 Danny Zamoras, imbestigador ng Mandaue City Fire Department, naapula ang sunog 2:38 a.m. at umabot sa P1.2M ng ari-arian ang nasunog.

Sa talaan naman ng Mandaue City Disaster Risk Reduction and Management Officer, nasa 601 na pamilya o 2,291 indibidwal ang pansamantalang naka-silong sa Looc Gym at City Central School.

Tiniyak naman ni Mandaue Mayor Jonas Cortes sa mga biktima ng sunog na maitayo muli ang kanilang mga bahay kapag natapos na ang ginagawa nilang revalidation.

“We need your cooperation. For sure you know who your neighbors are. Help us in the revalidation because there may be some people who will come forward and pretend that they are among the fire victims to get help and build a house in the area, we should not allow that. We will give the right help to the right people,” ani Cortes./Mary Anne Sapico