Malakanyang binuksan sa PBBM supporters

Malakanyang binuksan sa PBBM supporters

December 11, 2022 @ 10:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Binigyan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng “early Christmas gift” ang kanyang mga supporters, araw ng Sabado, Disyembre 10.

Ibinahagi ni Pangulong Marcos sa kanyang official Facebook page ang ilang larawan sa nangyaring “meet and greet event.”

“Maagang regalo ang hatid sa atin ngayong Pasko nang ating makasama muli ang ilan sa ating mga taga-suporta ngayong araw,” ayon Kay Pangulong Marcos.

Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos para sa patuloy na tiwala at kumpiyansa sa kanya.

Umaasa siya na sa tulong ng mga tao na sumuporta sa kanyang kandidatura, pakikinggan ang kanyang panawagan ng pagkakaisa.

“Tayo ay lubos na nagpapasalamat sa walang sawa niyong pagmamahal, mula noon hanggang ngayon,” ayon Pangulo.

“Nawa’y patuloy kayong maging daan upang maikalat ang mensahe natin ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan para sa tuluy-tuloy nating pagbangon,” dagdag na pahayag nito.

Kinilala naman nito ang mahalagang tungkulin sa pagtulong sa kanyang layunin na bigyan ng progreso ang bansa at bigyan ng komportableng buhay ang mga Filipino.

Binigyang diin nito ang pangangailangan na kalimutan ang political colors, sabay sabing mas mahalaga ang pagtugon sa mga isyu na kinahaharap ngayon ng bansa.

“Wala akong kaduda-duda. Dahil nakita ko na at napatunayan na ninyo sa akin at sa buong madla na talaga naman kayo ay nagmamahal sa Pilipinas at tuloy-tuloy ang magiging trabaho ninyo para pagandahin, para tulungan ang mga Pilipino, para tulungan ang pamahalaan na gawin ang mga kailangan gawin para ang Pilipinas ay masasabi natin ay binago natin at pinaganda natin,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.

“Ngayon, ang pinaglalaban natin ay hindi kandidato, hindi partido, hindi para sa eleksyon pero ‘yung ating mga kailangang gawin para sa mga problemang hinaharap ninyo, natin lahat, ng buong Pilipinas,” dagdag na wika nito.

Sa kabilang dako, gumagamit ang Pangulo ng iba’t ibang social media platforms, gaya ng Facebook, Twitter, at YouTube, upang mapanatiling updated ang publiko ukol sa polisiya, programa, at aktibidad ng administrasyon.

Regular din siyang nag-upload ng vlog sa kanyang official social media accounts para sa linggo-linggong pagbabahagi ng mga nagawa nito. Kris Jose