Malakanyang dumistansya sa hatol na 4 taong kulong kay Suu Kyi

Malakanyang dumistansya sa hatol na 4 taong kulong kay Suu Kyi

December 8, 2021 @ 7:13 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – “Internal matter” para sa Malakanyang ang naging hatol na apat na taong pagkakakulong sa pinatalsik na Myanmar leader na si Aung San Suu Kyi.

Kaya walang dahilan ayon kay Acting Presidential Spokesperson and Cabinet Secretary Karlo Nograles na makisawsaw pa ang Pilipinas sa bagay na ito.

“Well, this is an internal matter and this is part of their domestic affairs. And so we would rather not comment on the domestic affairs and processes of a sovereign state,” ani Nograles.

Sa ulat, sinentensiyahan ng apat na taong pagkakakulong si Suu Kyi makalipas ang 10 buwan na house arrest mula noong Pebrero 2021 nang patalsikin sa pwesto sa inilunsad na coup deta’t ng military junta.

Naka-house arrest kasi si Suu Kyi mula nang mag-kudeta ang militar na nagpabagsak sa kanyang civilian government.

Pinatawan ng guilty ng Zabuthiri Court sa Myanmar ang 76-anyos na si Suu Kyi at sinentensiyahan ng tig-dalawang taong pagkakakulong sa kasong incitement at paglabag sa COVID-19 rules sa ilalim ng section 25 ng Disaster Management Law.

Nasa kabuuang 11 kaso ang isinampa laban kay Suu Kyi subalit lahat na ito ay kaniyang mariing itinanggi.

Kasamang naakasuhan ng apat na taong pagkakakulong ni Suu Kyi ang kaalyado nito at napatalsik na pangulo ng Myanmar na si Win Myint.

Hindi pa malinaw kung kelan isisilbi ang sentensiya sa dating Myanmar leader.

Kinondena naman ni Amnesty deputy regional drector for Campaigns Ming Yu Hah ang hindi makatarungang sentensiya kay Suu Kyi na patunay aniya ng determinasyon ng militar para tanggalin ang mga tumututol sa pamamahala sa ilalim ng junta at pagkitil sa kalayaan sa Myanmar. Kris Jose