Malakanyang, kumpiyansa na umento sa sahod ng mga guro

Malakanyang, kumpiyansa na umento sa sahod ng mga guro

March 21, 2022 @ 8:10 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Hindi malayong pagbigyan ng pamahalaan ang hirit na umento sa sahod ng mga guro sa kabila ng COVID-19 pandemic.

“I’m sure mayroon ding pagtaas ng suweldo sa mga guro natin. Mahal ni Tatay Digong ang ating mga guro,” ayon kay acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa kanyang “Ask Me Anything, Anywhere” segment na inere sa kanyang Facebook page, araw ng Sabado.

Matatandaang sa ilang talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, palagi nitong sinasabi na napakahalaga sa kanya ng mga guro dahil sa kanyang namayapang ina na si Soledad, isa ring guro.

Ani Andanar, tatanungin niya si Education Secretary Leonor Briones para sa updates kaugnay sa planong dagdagan ang sahod ng mga guro.

Marso 2021, inamin ng Pangulo na dahil sa Covid-19 pandemic ay nabigo siyang ituloy ang kanyang plano na umento sa sahod ng mga guro.

Gayunman, sinabi nito na nakapag-ipon naman siya ng pondo upang sa wakas ay maibigay ang umento sa sahod ng mga guro.

Nauna rito, muling nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers sa gobyerno ng umento sa sahod.

Katuwiran ng mga ito, labis na nagdurusa ang kanilang pamilya mula sa tumaas na presyo ng langis na dahilan din ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Kris Jose